Ika-8 panalo puntirya ng San Miguel Beermen
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. San Miguel vs Kia Picanto
7 p.m. Rain or Shine vs Alaska
Team Standings: San Miguel Beer (7-2); Magnolia (7-3); Rain or Shine (5-3); NLEX (6-4); Alaska (6-4); Barangay Ginebra (5-5); GlobalPort (5-5); Blackwater (5-6); TNT (4-6); Phoenix (4-6); Meralco (4-6); Kia (1-9)
MAGSASAGUPA ngayon ang nangungunang San Miguel Beer at ang nangungulelat na Kia Picanto sa pagpapatuloy ng 2018 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum, Quezon City.
Puntirya ng Beermen ang ikawalong panalo sa 10 laro na maglalapit sa koponan sa minimithing twice-to-beat advantage sa unang round ng playoffs.
Ang Kia naman ay wala nang pag-asa pang makausad sa playoffs ngunit maaari pa itong makapagtala ng upset win sa huli nitong laro sa conference na ito.
“Hindi puwede na kahit napatalsik na ang kalaban mo ay magkukumpiyansa ka,” sabi ni San Miguel Beer coach Leo Austria. “Importante pa rin sa amin manalo dahil kapag natalo ka ay mahuhulog ka agad sa ibaba kasi dikit-dikit ang mga kartada.”
Huling binigo ng three-time defending champion Beermen ang Alaska Aces, 109-96, noong Pebrero 17 sa Batangas City.
Ang huling asignatura ng San Miguel Beer sa elims sa Pebrero 28 ay kontra Rain or Shine na nangangarap ding makakuha ng twice-to-beat edge sa susunod na round.
Makakasagupa ngayon ng Elasto Painters ang Aces sa alas-7 ng gabi na main game.
Papasok sa laro ngayon ay may three-game winning streak ang Rain or Shine at kung mananaig ito kontra Alaska ay aangat ito sa 6-3 kartada.
Hindi naman makakasama ng Rain or Shine ang sinasandigan nito sa depensa na si Gabe Norwood na kabilang sa pambansang koponan na lumaban sa Australia kahapon.
Ang unang dalawang puwesto ay iuuwi ang twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals kung saan makakasagupa nito ang nasa ikapito at ikawalong puwesto habang ang ookupa sa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto ay maghaharap sa best-of-three series.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.