Cone, Black, Austria pinakamahuhusay na coach sa PBA
MARAMING champion coaches sa Philippine Basketball Association (PBA) subalit may ilan lamang sa kanila ang maituturing na talagang mahuhusay.
At kabilang na sina Tim Cone, Leo Austria at Norman Black sa mga pinakamahuhusay na coaches sa PBA ayon kay Rajko Toroman, na dating mentor ng Gilas Pilipinas program.
“Of course Tim Cone is a legend, you know. You cannot say the guy who won 22 conferences in the PBA, that’s something. We played in the SEA Games semifinals and he is probably one of the best coaches in the history of Filipino basketball,” sabi ni Toroman sa panayam sa Coaches Unfiltered podcast.
Si Cone ang pinakamatagumpay na PBA coach at walang duda na maituturing na siyang greatest PBA coach dahil sa kanyang nakamit sa liga. Kulang lamang si Cone ng limang titulo para tapatan ang pinagsamang 27 titulo ng San Miguel franchise.
Sa limang Grand Slams na napanalunan sa PBA, dalawa rito ay nakuha ni Cone nang pangunahan niya ang Alaska Milkmen noong 1996 at San Mig Coffee Mixers noong 2014.
Si Toroman ay nagsilbing coach ng Iran noong 2008 Beijing Olympics, deputy coach ni Austria sa San Miguel Beermen team sa ASEAN Basketball League (ABL) at assistant coach ni Black sa Meralco Bolts at Ateneo Blue Eagles.
“I was also working in San Miguel with the ABL with Leo Austria and he’s also a good coach, good tactical coach with lots of ideas and I have a nice time working with him, then Norman Black who was with Ateneo after that Talk ‘N Text and Meralco,” sabi ni Toroman.
Si Black ay isa ring Grand Slam coach matapos niyang ihatid ang Beermen sa 1989 Triple Crown na kasama sa kabuuang 11 titulo na napagwagian niya sa PBA at limang diretsong University Athletic Association of the Philippines (UAAP) championships sa Ateneo.
Wala naman katulad ang pagsikat ni Austria bilang coach sa PBA.
Mula noong 2014, pinamunuan ni Austria ang Beermen sa walong titulo sa siyam na Finals appearances at kinilala siya bilang tagapaligtas ng prangkisa na papalubog na matapos na mabigong magwagi ng kampeonato sa tatlong sunod na season.
Sinabi naman ni Toroman, na kasalukuyang head coach ng Indonesian national team, na may matututunan ang mga Indonesian mula sa Philippine coaches sa larangan ng paghubog sa mga collegiate athletes.
“There are some very good coaches in the PBA and UAAP, maybe it will be interesting for you on a clinic that I gave in Indonesia, I said if you’re going to improve, we have to work like the Philippines,” sabi pa ni Toroman.
Itinuro rin ni Toroman sina Tab Baldwin, na dati ring head coach ng Gilas, Black, Franz Pumaren at Bo Perasol bilang mga halimbawa ng mga mentor na naging matagumpay sa UAAP matapos na maging coach sa PBA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.