MARAMI ang nagsasabing isa sa pinakamalalang sitwasyon ng trapiko ang taong 2017. Lalong umigting ang pananaw na ito nang dumating ang kapaskuhan dahil halos hindi na gumalaw ang trapik sa lansangan ng Metro Manila.
Pero kahit na ganun kalala ang sitwasyon ng trapiko, makikita natin sa mga social media ang napakaraming post tungkol sa mga dinaluhang mga Christmas party.
Madalas makikita natin dito ang reklamo na natatakot silang hindi aabutan ang party at nalulungkot sila.
Pero teka, ang tanong ko kasi talaga, sulit ba ang suungin ang mala-parking lot na sitwasyon ng trapiko para lang makadalo sa mga Christmas Party? Ano ba talaga ang habol natin sa party na ito? Kasiyahan? Pagkain? o raffle?!
Nagtanong ako sa mga tao kung ano sa tingin nila, sulit ba o hindi na lusubin ang trapiko para sa Christmas party, at nakakatuwa ang mga sagot sa atin.
May isa na nagsabing sa tagal niya sa trapik ay hindi na sulit dahil pagdating niya ay gutom na siya, pag-alis niya gutom pa rin ang aabutin niya sa lansangan. Meron naman ang nagsabing company party na lang ang pinupuntahan niya dahil nandun na siya sa opisina.
Marami naman ang sumagot na nakaplano na ang mga lakad nila para maaga pa ay umaalis na sila upang umabot sa simula ng party na pupuntahan nila. Tutal, ika nila, siguradong may regalo at aginaldo naman na makukuha sa party kaya kahit papaano may i-uuwi kang pamasko.
Ang pinakamasaya kong mga nakausap ay yung mga nanalo sa mga raffle. Maliit man o malaki ay masaya sila dahil may bago silang laruan, appliance o food basket man lang.
Ilang Christmas party din ng mga kumpanya na iniikutan ko sa motoring, tech, at business ang sobrang laki kung mamigay sa mga raffle. Hindi nakakagulat na bawat party ay may raffle na TV, fridge, washing machine, oven, at ang laging inaabangang latest na iPhone.
Para sa mga nanalo ng mga major prizes na ito, kahit kalahating araw ang ini-upo nila sa trapik, siguradong sulit ang paglusob nila dahil TV o iPhone naman ang iuuwi nila. Yung mga hindi nanalo, ayaw na lang umimik nang tinanong ko.
Sa totoo lang, ang mga party na pinupuntahan ko ay para makasama ko ang mga tao sa industriya na iniikutan ko bilang motoring journalist.
Ilang beses na rin ako nanalo sa mga raffle ng malalaking premyo. Ilang beses na rin akong umuwi na luhaan.
Kaya kung aalamin natin kung sulit sumugod sa trapik para mag-attend ng Christmas Party? Ang sagot diyan ay base sa bawat indibidwal at ano ang pakay nila sa party.
Para sa komento o suhestiyon, sumulat po lamang sa [email protected] o sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.