Binagong patakaran sa pagpapatupad ng batas-paggawa, inilabas
INILABAS ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang binagong patakaran nito sa pangangasiwa at pagpapatupad ng batas-paggawa upang higit na mapalakas ang implementasyon at matiyak ang pagsunod sa mga lugar-paggawa.
Sa Department Order No. 183, ang routine inspections at complaint inspections o occupational safety and health (OSH) standard investigations ay maaari nang isagawa ayon sa visitorial power ng Secretary of Labor o ng kanyang awtorisadong kinatawan, partikular ang Special Inspection Team.
Ang routine inspections ay dapat gawin sa mga prayoridad na establisimento na may mapanganib na trabaho, may batang-manggagawa, o may contracting o subcontracting arrangement, may 10 o higit pang manggagawa, o tulad ng iba pang establisyamento o industriya na napagpasiyahang prayoridad ng labor secretary.
Sa kabilang banda, ang complaint inspection ay isinasagawa kung mayroong Single Entry Approach (SEnA) at kung may kahilingan para sa conciliation-meditation proceedings sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) upang mapatunayan kung may paglabag sa batas-paggawa.
Kung mayroong anonymous complaint, kinakailangang magsagawa ng surprise visit ang naatasang labor inspectors sa establisyamentong inirereklamo upang mapatunayan ang iniulat na paglabag.
Samantala, ang pagsasasagawa ng OSH standards investigation ay dapat iatas ng Regional Director sa loob ng 24-oras mula ng matanggap ang impormasyon na maaaring pagsimulan ng aksidente o may aksidenteng naganap.
Kung sakaling malubha ang aksidente at nangangailangan ng tulong-teknikal, magbibigay ng rekomendasyon ang Regional Director sa Secretary para sa paglikha ng composite team na binubuo ng Bureau of Working Conditions (BWC), Occupational Safety and Health Center (OSHC) at Employees Compensation Commission (ECC) at agarang ipapadala para sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Ang work stoppage order ay iuutos sa alinmang establisyamento na nakitaan ng hindi pagsunod sa OSH standards na magiging sanhi ng panganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa.
Magkakaroon ng mandatory conferences sa loob ng 10 araw kung hindi naipatupad ang 10-araw na correction period upang itama o isaayos ang paglabag sa general labor standards at sa contracting and sub-contracting rules.
Makakatanggap ng Compliance Order ang establisyamento na hindi nakatupad sa ibingay na panahon upang iwasto o itama ang paglabag sa batas-paggawa.
Kung ang compliance order na ibinigay ay para sa regularisasyon ng manggagawa, hindi dapat i-terminate ang empleyo ng manggagawa habang hindi pa inaaksyunan ang apela. Nararapat na magsumite ang kinauukulang principal at contractor ng notarized commitment sa Regional Director na nagsasaad na gagawing regular ang kanilang manggagawa at ang lahat ng kanilang karapatan na nakasaad sa kasalukuyang batas, patakaran at regulasasyon.
Upang matiyak na tuloy-tuloy at napapanatili ang pagsunod sa batas-paggawa, bibigyan ng karapatan ang social partner na sumailalim sa pagsasanay na makilahok sa pagsasagawa ng assessment at inspection sa pagsisimula ng bawat taon sa mga pangunahing rehiyon kung saan may mataas na insidente ng hindi pagsunod sa patakaran at pamantayan sa paggawa.
Magtatatag din ng Regional Inspection Audit Team na magsasagawa ng pagsusuri isang beses tuwing kalahating taon sa lahat ng DOLE Regional at Field Offices upang alamin kung mahigpit na ipinatutupad ang Labor Laws Compliance System.
Ang binagong patakaran na ipinalabas noong Oktubre 18, 2017 at kasalukuyan na itong ipinatutupad.
Information and
Publication
Service
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621-627
Fax No.: 5273446
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.