Ces Drilon nag-resign na sa Bandila ng ABS-CBN
NAGULAT ang mga Kapamilya viewers nang ihayag ng Kapamilya news anchor na si Ces Oreña-Drilon na iiwan na niya ang Bandila matapos ang 11 taong pagbabalita sa programa.
“Ito na po ang huling gabi ko sa Bandila na naging tahanan ko sa ABS-CBN ng higit isang dekada. Eleven years and five months to be exact,” ani Ces na siyang uupo bilang content acquisition head ng ABS-CBN lifestyle ecosystem group.
Pagpapatuloy pa ng lady news anchor, “May panibagong hamon na tumatawag sa akin. Panahon na para baguhin ang landas na tinatahak mula sa harap ng camera, papunta naman po sa likod nito.
“May bago na akong responsibilidad bilang content acquisition head ng ABS-CBN lifestyle ecosystem kunsaan ang pagbabalita naman na nagbibigay sa inyo ng kasiyahan at aliw ang siyang bibigyan ko naman ko ng pansin at atensiyon.
“Panahon na rin po siguro para isalin ang aking konting nalalaman sa iba at mag-mentor naman sa mga nakababata sa akin.
“Excited na excited na rin po ako dahil ibang larangan naman ang aking susuingin at natututo rin ako sa mga bagay na iba sa nakasanayan sa ABS-CBN Newsroom.”
“Paalam po muna sa ngayon. Hanggang sa susunod nating pagkikita,” sabi pa ni Ces.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.