DEPRESSION, SUICIDE: Seryosong problema na di dapat balewalain (1) | Bandera

DEPRESSION, SUICIDE: Seryosong problema na di dapat balewalain (1)

Leifbilly Begas - October 09, 2017 - 08:00 AM

SUICIDE ang nakikitang solusyon ng ilang tao para matakasan ang kinakaharap na problema.

Kapag hirap na at wala ng pag-asa, ang pagpapakamatay ang short cut para makatakas.

Isa sa iniisip ng mga nagpapakamatay, tulong ito sa kanilang pamilya para hindi na sila makadagdag pa ng problema. Ganito ang maraming kaso ng mga may malubhang karamdaman na nagsu-suicide.

Pero sa pamilyang naiwan, lumilikha ito ng karagdagang problema hindi lang sa usapin ng emosyon.
Sa ulat ng World Health Organization noong 2012, ang Pilipinas ay ika-150 sa 170 bansa na may pinakamaraming bilang ng suicide cases.

Malayo man sa top 10, hindi nangangahulugan na hindi ito dapat pansinin. Kahit isang buhay lang ang nawala dahil sa suicide, buhay pa rin ang pinag-uusapan dito, at pighati ang hatid sa naulila.

May tinatayang 2,558 self-inflicted death sa bansa noong 2012 (550 babae at 2008 lalaki) o 2.9 kada 100,000 populasyon.

Sa buong mundo ay umaabot sa 800,000 ang nagpapakamatay taon-taon o isa kada 40 segundo, ayon sa WHO. Noong 2015, ang pagpapakamatay ang ika-17 sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng tao.

Sa pag-aaral noong 2013, lumabas na ang age bracket na 20-24 ang may pinakamataas na kaso ng pagpapatiwakal.

Sa bukod na pag-aaral ng Department of Health noong 2007, 15 sa 900 teenager ang nagtangka na kitilin ang kanilang sariling buhay.

4 in 1 month

Batay sa pagsasaliksik ng Bandera, sa Batasan Police station sa Quezon City ay apat na kaso ng pagpapakamatay ang naitala noong Mayo.

Palaisipan ang dahilan ng pagpapakamatay ng 34-anyos na electrician na residente ng Luzon Ave., Brgy. Old Balara. (Ed: Sinadya ng Bandera na hindi pa-ngalanan ang mga nag-suicide na naitala sa istasyon ng pulis)

Huli siyang nakitang nakikipag-inuman sa kanilang lugar noong hapon ng Mayo 7. Natagpuan ang kanyang bangkay alas-2:30 ng umaga ng sumunod na araw.

Mayo 18 nang madiskubre ang bangkay ng 56-anyos na lalaki sa loob ng kanyang bahay sa Soliven st., Brgy. Commonwealth.

Naiwan siyang nag-iisa sa bahay matapos dalhin ang kaanak sa isang mental institution. Pagbalik nila ng alas-5 ng hapon ay nakabigti na ang lalaki. Isang kable ng kuryente ang kanyang ginamit sa pagbibigti. Siya ay mayroon ding laslas sa kaliwang kamay. Natagpuan ang kitchen na kanyang ginamit sa paghiwa sa sarili.

Iniwan naman ng kanyang asawa ang nagtulak sa isang mister na nagpatiwakal noong Mayo 21. Nakita siyang nakabigti sa kanyang bahay sa Lower Empire, barangay Payatas.

Bago ito ay isang linggo siyang nagla-sing para makalimutan ang sakit na nararamdaman matapos iwan ng misis at sumama sa ibang lalaki dala ang kanilang mga anak.

Mayo 28, alas-7:30 ng gabi, nakabigti nang matagpuan ang 28-anyos na lalaki sa Lupang Pa-ngako, Brgy. Payatas.

Isang nylon cord ang kanyang ginamit sa pagpapakamatay. Nag-away sila ng kanyang misis. Umalis ang misis sa kanilang bahay para magpalamig, at pagbalik niya, malamig na bangkay na ang mister.

Sikat

Hindi lang mahihirap ang nagpapakamatay. Kahit na ang mga sikat at mayayaman ay nakapag-iisip ding magpakamatay. Hindi lang naman kasi ang mga mahihirap ang may problema na dahilan ng depresyon nito.

Taong 2011 ay mara-ming high profile cases ng pagpapakamatay na naitala ang DoH.

Noong Pebrero 2011 nagulantang ang bansa dahil sa pagbaril sa sarili ni Angelo Reyes, dating chief of staff ng Armed Forces na humawak din ng posisyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa ilalim ng Arroyo government.

Pumunta si Reyes sa puntod ng kanyang ina sa Loyola Memorial Park sa Marikina City at nagbaril sa dibdib gamit ang isang kalibre .45 pistola. Iniimbestigahan noon si Reyes sa Senado kaugnay ng isyu ng pabaon na ibinibigay sa mga retiradong opisyal ng AFP.

Nagpakamatay naman sa pamamagitan ng mga pagbibigti ang assistant chief legal counsel ng Development Bank of the Philippines na si Benjamin Pinpin noong Agosto 2011.

Nagpakamatay siya sa loob ng banyo ng hotel sa Zapote Alabang Road, ma-tapos na makatanggap ng sulat kaugnay ng pagkakasangkot niya sa umano’y kontrobersyal na pag-utang ng negosyanteng si Roberto Ongpin.

Tumalon naman sa ika-31 palapag ng hotel sa Muntinlupa noong Oktobre 27, 2011 ang 20-anyos na apo ni dating Vice Pre-sident Teofisto Guingona Jr. Naglasing umano si Martin Guingona Lamb kung saan niya sinabi sa kanyang mga kaibigan na mayroon siyang problema.

Problema

Ayon kay Dr. Sheila Marie Hocson, direktor ng Guidance and Counseling ng Far Eastern University, isang seryosong usapin ang pagpapakamatay pero hindi ito gaanong nabibigyan ng pansin.

Aniya, ang pagpapakamatay ay naiisip ng mga tao na wala ng nakikitang pag-asa sa buhay. Kapag naramdaman niya na wala na siyang kuwenta, na wala na siyang halaga at hindi na niya kayang gawin ang mga bagay na dapat niyang gawin, nade-depress ito at maaaring siyang mag-udyok para magpakamatay.

Marami ang ipinagkikibit-balikat na lamang ang depresyon na nararanasan ng iba. Kamakailan lang ay tinuya pa nga ito ng komedyanteng si Joey de Leon at sinabing gawa-gawa lamang ito ng mga taong sinasabing nade-depressed. Kinalaunan ay nag-sorry rin siya.

Ang nararamdamang ‘negativity’ umano ay dapat na maalis at gawing positibo upang muling lumaban.

Iba’t iba ang maaa-ring panggalingan ng depresyon. Maaaring problema sa love life, pera, trabaho, pagkapahiya, mababang grades at posible rin na mayroon itong namanang hormone sa mga magulang kaya madaling ma-depress.

Hindi rin naman umano lahat ng tao na sinasaktan ang sarili ay suicidal. Meron lang umano talagang mga tao na gustong sinasaktan ang sarili para maramdaman ang sakit at kung gaano kataas ang kanilang tolerance sa pain.

“Yung iba talaga, lalo na sa mga kabataan, merong mga sinasaktan ang kanilang sarili para lang mapansin. Hindi talaga magpakamatay ang intensyon,” ani Hocson.

Genes
May mga tao na sadyang mahina ang genes sa humarap sa depresyon na nagreresulta sa mental disorder at maaaring magbuyo na magpakamatay.

At ang genes na ito ay namamana. Kaya kung mayroong miyembro ng pamilya na nagpakamatay, mataas ang tyansa na meron pang sumunod sa kanyang ginawa.

“Usually po by genetics yun eh. Usually pwede yung immediately family mo o yung third generation. Due to genes po yun,” ani Hocson sa panayam ng Bandera. “Mental disorder ang pwedeng mamana, suicide is just one of the symptoms.”

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Kunyari parehas na may lahi yung mag-asawa so mas malaki yung tendency na yung anak nila magkaroon ng genes na ganun. Yung probability mas malaki,” dagdag pa ng doktora.

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending