2 sundalo na nakasama ni Gerald sa pelikula namatay sa Marawi siege
KAISA nina Jeric Raval at Toto Natividad (direktor ng Ang Probinsyano at bagong action movie na Double Barrel) si Gerald Anderson sa kampanya para maibalik ang mga action film sa bansa.
Si Gerald ang bida sa isa pang maaksyong pelikulang “AWOL” mula sa Skylight Films at Cinebro na isa sa mga official entry sa kauna-unahang Pista Ng Pelikulang Pilipino na magsisimula sa Agosto 16 hanggang 22 nationwide.
Ipinagmamalaki ni Gerald ang “AWOL” na idinirek ni Enzo William dahil hindi raw ito nalalayo sa foreign movies, maliit nga raw ang budget, pero pang mainstream naman ang pagkakagawa.
“Masaya po ako dito sa pelikula namin kasi kahit maliit lang po ‘yung budget namin, ilang araw lang po kami nag-shooting (11 days), pero sobrang maayos po ang lumabas.
“And I’m trying to show people na kahit ganu’n ang sitwasyon, kaya nating gumawa ng maayos na action movie. Hindi lang kasi ito puro bakbakan kundi maganda ang kuwento rin tungkol sa pamilya, tungkol sa survival, gagawin mo lahat para sa bansa mo, pero mas gagawin mo lahat para sa pamilya mo,” dagdag ni Gerald.
Sa tanong kung saan siya mas nahirapan, sa karakter niya sa “AWOL” o sa “OTJ (On The Job)?”
“Mahirap po ito, siguro kasi lahat ng eksena kasama ako tapos halos lahat intense. So physically mas challenging itong AWOL. ‘Yung sa OTJ naman kasi, medyo malaki ang cast kaya hati-hati po ‘yung exposure, ‘yung kuwento,” pag-amin ng aktor.
Kuwento pa ni Gerald, bago niya ginawa ang “AWOL” ay dumaan siya sa matinding training at tunay na Scout Rangers mismo ang humasa sa kanya.
“Kasama po namin sa set ang mga totoong military men, mga Scout Rangers talaga, special forces ng Pilipinas, kasama namin everyday na ‘yung dalawa po na nakasama namin sa shooting at sa training, namatay na po sa Marawi (siege).
“Kaya nga sabi ko po, inaalay ko ang pelikulang ito sa kanila, kasi kasama sila nu’ng nabuo itong movie at nakita mo ‘yung saya nila na nasa shoot sila at wala sila sa bakbakan. Alam mo ‘yung parang nabigyan sila ng konting break,” kuwento ng binata.
Pero agad itinanggi ni Gerald na ang “AWOL” ay may kinalaman sa Marawi siege o sa mga nangyari sa SAF sa Mindanao, “Ang masasabi ko lang, kuwento ng sundalo ang movie. At nakakalungkot ang mga sine-share nila (sundalo) dahil puro bakbakan at naalala ninyo ‘yung Zamboanga siege, sila po ‘yung galing doon. ‘Yung tropang iyon ang nagturo (training) sa akin. Sila rin ‘yung lumaban do’n.”
q q q
Nakakadalawang action film na si Gerald, kaya tinanong namin kung saan siya kumportable at hudyat na ba ito ng pag-alis niya sa mga romcom?
“Masuwerte ako kasi may mga artista na hindi lahat ng genre kayang gawin. Kaya I’m very blessed na ang dami kong opportunities, siyempre nu’ng lumabas ako ng PBB hindi ko naman alam ang mangyayari sa akin, siguro kapag mahal mo talaga ang trabaho mo, ibabalik din sa ‘yo.
“Mas kumportable? Iba kasi ‘yung thrill pag action, iba ‘yung adrenalin at iba ‘yung feeling. But at the same time, I also want people to fall in love, ‘yung mga love stories sa pamilya kaya kailangan ding magpakilig,” kuwento ni Gerald.
Anu-ano ang physical challenges na hinarap niya sa bago niyang action movie? “Nu’ng una kaming nag-meet ni direk Enzo, sabi niya, ‘masyado kang pogi.’ Sabi ko, ‘O, sige direk, hindi po problema ‘yan, ide-glamorize ko yan. Workout, nagpalaki ako ng katawan, nag-training kami everyday kung paano humawak ng baril, kung paano palitan ‘yung magazine.”
Kasama ang “AWOL” sa Pista Ng Pelikulang Pilipino na magsisimula na sa Agosto 16 sa mga sinehan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.