Minion
noun [ C ] UK ? /’min.jèn/ US ? /’min.jèn/ usually disapproving
A person who is not important and who has to do what another person of higher rank orders them to do.
SWERTE ka raw kung mayroon kang minion.
Ang mga ito ay ang mga tao na hindi lang sunud-sunuran sa iyo, sila ay ‘yung halos sambahin ka na —mga deboto sila at halos halikan ang daan na iyong nilalakaran.
Batas ang lahat ng iyong sasabihin at nakaasa sa lahat ng iyong sasabihin- kapag sinabi mong huwag huminga, hindi sila hihi-nga.
Kung mayroong umagrabyado sa iyo, tawagin mo lang sila at sila ang gaganti sa iyo.
Ang mga boss ng kumpanya ay may minion para sila mismo ang gumawa ng tinatawag na dirty work gaya ng pagtatanggal ng mga tauhan at kung artista naman na may out-of-town show, sila ang advance party para siguruhin na maraming sasalubong na fans at bongga ang dadatnang accomodation ng amo.
Kung ang mga ito ay merong minions, sa tingin mo ba ay mawawalan si Pangulong Duterte?
Mocha Uson, Communications Assistant Secretary for Social Media
Isa sa mga artistang tumulong kay Duterte sa nakaraang eleksiyon, nabigyan ng posisyon siyempre si Mocha Uson, o Margaux Justiniano Uson sa tunay na buhay.
Marso 8, 2017 nang italaga si Uson bilang Assistant Secretary for Social Media sa ilalim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na pinamumunuan ni Secretary Martin Andanar.
Bago ang kanyang pagkakatalaga sa PCOO, na-appoint si Uson bilang miyembro ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) noong Disyembre 28, 2016.
Mula sa pagiging “sex guru,” ginamit ni Uson ang kanyang blog para ipagtanggol si Duterte at banatan ang mga bumabatikos sa pangulo at mga kalaban sa politika.
Binatikos din ni Uson ang mga mamamahayag na bumabatikos kay Duterte na tinawag pa niyang “presstitutes.”
Dahil sa kanyang mga banat sa kanyang social media accounts, nasuspinde ang kanyang Twitter account noong Marso 9.
Inakusahan naman niya ang mga Liberal Party (LP) na nasa likod ng suspensiyon ng kanyang Twitter.
Dahil sa dami ng kanyang followers sa social media, kinuha si Uson bilang isang kolumnista ng isang diyaryo. Sinundan pa ito ng sariling programa sa AM station na DZRH, bagamat sinuspindi ma-tapos murahin sa ere si Vice President Leni Robredo.
Bago pa man opisyal na italaga bilang Assistant Secretary for Social Media, kasama siya sa delegasyon ni Duterte sa mga biyahe nito sa ibang bansa.
Sa biyahe ni Duterte sa Hong Kong, nakasama rin ang tinaguriang Mocha Girls na nagtanghal sa mga dumalo matapos makipagpulong ang Pangulo sa Filipino community.
Nitong Hunyo, bumisita si Uson kasama ang Mocha Girls sa Japan para makipagkita sa Filipino community.
Communications Secretary Martin Andanar
Mula sa pagiging host ng TV 5, itinalaga si Martin Andanar bilang Secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Si Andanar ay asawa ng pamangkin ni Sen. Cynthia Villar na kilalang sumuporta kay Pangulong Duterte sa nakaraang halalan.
Bilang Secretary ng PCOO, na siyang katumbas naman ng Press Secretary, makailang beses nakaaway ni Andanar ang ilang grupo ng media dahil sa kanyang mga pahayag.
Unang nakabanggaan ni Andanar ang Malacanang Press Corps (MPC) matapos niyang akusahan ang media ng maling pagbabalita kaugnay ng pagdedeklara ni Duterte ng martial law.
Bukod sa MPC, nakabanggaan din ni Andanar ang mga mamamahayag na nakatalaga sa Senado na inakusahan niyang tumanggap ng $1,000 nang dumalo sa press conference ng umaming miyembro ng Davao Death Squad (DDS) na si Arthur Lascañas.
Dahil sa sunod-sunod na kapalpakan ni Andanar, tinanggal siya bilang opisyal na tagapagsalita ni Duterte.
Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go
Sinasabing si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go ang pinakamalapit kay Duterte sa lahat ng mga miyembro ng kanyang inner circle.
Lumutang ang dalawang paksyon sa inner circle ni Duterte kung saan isa rito ang grupo ni Go at ang isa naman ay ang grupo ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco, Jr.
Lumutang ang girian sa pagitan nina Go at Evasco matapos namang sibakin si dating undersecretary Halmen Valdez, na nasa ilalim ng opisina ni Evasco.
Usap-usapan din ngayon ang nakatakdang pagbibitiw ni Evasco sa puwesto.
Kasama ni Duterte si Go sa lahat ng kanyang lakad kahit saan man ito pumunta.
Matatandaang kay Go pa ipinadaan ang pagsuko ng road rage suspek na si David Lim, Jr., ang pamangkin ng umano’y drug lord na si Peter Lim.
Transportation Secretary Arthur Tugade
Napili ni Duterte bilang kalihim ng Department of Transportation ang bilyonaryong si Arthur Tugade.
Ipinagkatiwala kay Tugade, isang self- made billionaire, ang problema sa mabigat na daloy ng trapiko at ang palpak na serbisyo ng Metro Rail Transit 3.
Makalipas ang isang taon, nananatili ang problema sa MRT3 at wala pa ring nararamdamang pagbabago sa daloy ng trapiko sa Edsa at sa mga karugtong nitong kalsada.
Nauna ng humingi ng pasensya si Tugade sa publiko dahil hindi umano basta na lamang masosolusyunan ang mga dinatnan niyang problema.
Minsan nang ipinagtanggol ni Duterte si Tugade sa mga batikos na inabot nito at iginiit na mabuti itong tao. Si Tugade ang valedictorian ng kanilang klase, ayon sa Pangulo.
Ang hinihingi niyang emergency power ay mukhang hindi na ‘emergency’ dahil hanggang ngayon ay hindi pa naibibigay ng Kongreso.
Justice Secretary Vitaliano Aguirre
Ang tingin ng ilan kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre ay ang attack dog ni Duterte.
Si Aguirre ang tumayong legal counsel ni Duterte laban sa disqualification case na inihain laban dito noong 2016 presidential elections.
Madalas niyang ipagtanggol ang mga desisyon ng Pangulo at ang kalaban nito ay kalaban niya rin.
Napatunayan ito ng atakihin ni Aguirre si Sen. Leila de Lima na ilang beses na binanatan ni Duterte.
Hindi na rin hinintay ni Aguirre na umaksyon ang Office of the Ombudsman at ito na ang naghain ng kaso laban kay de Lima sa Regional Trial Court ng Muntinlupa. Nagresulta ito sa pagkakakulong ni de Lima.
Kamakailan ay iniugnay ni Aguirre ang ilang “dilawang” senador sa Marawi City siege. Sinabi niya na nagpulong ang mga ito at sinundan ang pagpupulong ng pag-atake sa Marawi.
Nabansagan siyang nagpapakalat ng fake news matapos na umalma ang mga inakusahan niya na nagsabi na luma ang litrato.
Speaken Pantaleon Alvarez
Noong 2016 elections, tatlo lamang ang kandidato ng PDP-Laban sa pagkakongresista at isa na rito si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.
Si Alvarez ang isa sa nagbuyo kay Duterte na tumakbo sa pagkapangulo upang maghatid ng pagbabago sa bansa.
Mula sa tatlo ay naging 121 kongresista na ang miyembro ng PDP-Laban, ang partido ni Duterte, matapos lumipat doon ang mga kongresista, karamihan ay galing pa sa Liberal Party. Mayroong 292 miyembro ng Kamara de Representantes.
Si Alvarez ang nag-akda ng mga panukala na nais ng Malacanang gaya ng pagbabalik ng parusang kamatayan at pagbaba sa edad ng bata na maaaring parusahan sa paggawa ng krimen.
Napatunayan ni Alvarez na kaya niyang gawin ang mga nais ng palasyo nang maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang death penalty bill.
Pinarusahan din ni Alvarez ang mga lider ng Kamara de Representantes na hindi bumoto pabor dito kabilang na si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na inalis sa pagiging House Deputy Speaker.
Naging kontrobersyal din ang pagpapaimbestiga niya kay Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo Jr., na pinakamalaking campaign fund contributor ni Duterte noong 2016 elections.
Ayaw ng kanilang mga minamahal ang sinasabing ugat ng pag-aaway ng dalawa.
PNP chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa
Tamang-tama ang pagpili kay Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa kampanya ng gobyerno laban sa bato o shabu at iba pang ipinagbabawal na gamot.
Bagamat hindi pa nauubos, malaki na ang nabawas sa operasyon ng ipinagbabawal na gamot. Ilang libo na rin ang namatay sa operasyon man ng pulis o gawa ng vigilante (ang tawag ng ilan ay Philippine Death Squad) sa mga tao na may kaugnayan sa operasyon ng ipinagbabawal na gamot.
Kung mayroong kumokontra sa pagdedeklara ng martial law ni Duterte sa Mindanao, suportado naman ito ni dela Rosa.
Sabi niya kamakailan, dapat ay papurihan ang martial law sa pagkakadakip sa mga taong may kaugnayan sa teroristang grupong Maute.
Minsan namang napuna si dela Rosa dahil sa sinabi niya na napatay ng mga pulis sa engkuwentro si Jessie Javier Carlos, na umatake sa Resorts World.
Nang lumabas ang kuha ng CCTV, hindi pala pulis ang nakabaril kay Carlos kundi guwardya.
Nauna ring sinabi ni dela Rosa na isa lang ang namatay sa pag-atake ni Carlos, pero hindi nagtagal lumabas ang totoo, 37 pala ang nabiktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.