Dalawang kawal ang nasugatan nang manunog ng cellsite at manambang ng mga rumerespondeng sundalo ang mga hinihinalang kasapi ng New People’s Army sa Catanauan, Quezon, Linggo ng gabi, ayon sa pulisya.
Sugatan sina Cpl. Dennis Moran at Cpl. Humphry Faller, kapwa miyembro ng Army 85th Infantry Battalion na nakabase sa Mulanay, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Ayon sa ulat, nakatanggap ang Catanauan Police ng impormasyon dakong alas-8 na sinilaban ng 10 armado ang dalawang generator set sa Globe cellsite na nasa Brgy. Tuhian.
Dakong alas-10:45, ipinaalam sa pulisya na may nagaganap na engkuwentro sa Brgy. San Antonio Pala. Kinumpirma ng militar na may bakbakan, pero sinabing ito’y naganap sa katabing Brgy. Ajos.
Lumabas sa imbestigasyon na habang patungo ang mga kawal ng 85th IB sa cellsite para rumesponde sa panununog ay pinasabugan ng landmine at pinaputukan ng mga armado ang sinakyan nilang KM-450 truck.
Dahil doo’y gumanti ang mga kawal, hanggang sa umatras ang mga rebelde patungo sa timog-kanluran.
Nagtamo sina Moran at Faller ng pinsala sa iba-ibang bahagi ng katawan, kaya dinala sa Bondoc Peninsula District Hospital, ayon sa pulisya. (John Roson)
– end –
Reply Reply to All Forward
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending