Baguhang direktor inatake raw ng nerbyos dahil kina Gerald at Arci
UNANG commercial film ni Direk Prime Cruz ang “Can We Still Be Friends” kaya naman kabado siya sa unang shooting niya.
Millennial director si Prime kaya kilala siya ng mga bagets kaya naman nu’ng nanood kami ng indie film niyang “Manananggal Sa Unit 23B” na entry sa Quezon City Film Festival 2016 ay pawang mga binatilyo’t dalagita ang nanonood bukod sa mga filmmaker na kaedaran din niya.
Maganda ang “Manananggal Sa Unit 23B” dahil may kakaibang teknik si direk Prime na talagang mapapahanga ka at higit sa lahat, gustung-gusto namin ang choice of songs niya.
Sa ginanap na presscon ng “Can We Still Be Friends” kasama ni direk Prime ang mga artista niyang sina Gerald Anderson at Arci Muñoz ay aminado ang batang direktor na kaya siya kabado ay dahil kumita ang unang pelikula ng dalawa na “Always Be My Maybe” kaya challenge sa kanya na maging blockbuster din ang “CWSBF.”
Kuwento nga ni direk Prime, “Siyempre, nu’ng first day sobrang kabado, ganyan. Tapos siyempre, iniisip mo rin yung mas maipapalabas siya sa mas maraming tao.
“Na-starstruck po talaga ako at saka alam kong hit yung last movie nila (Always Be My Maybe).
Tina-try ko na lang siyang huwag isipin, kasi pag inisip mo na yon (may) pressure di ba? Pero ako, enjoy naman po kasi and surprisingly, hindi naman pala sila nakaka-intimidate kapag nasa set na. Very collaborative sila and fun naman po.
“Sobrang happy po ako with the cast, totoo! Kasi, tina-try talaga nila, collaboration talaga. Ako po kasi, naniniwala ako na yung naiisip mo, saka yung nakasulat, may sariling take do’n yung actor. Kaya sa set laging tinatanong even after the take na, ‘Ano sa tingin mo?’
“Tinatanong ko sila kung anong mas naramdaman nila bakit ginawa yan, ba’t naging ganito yung desisyon? For me kasi, ang actor part sila ng pag-build ng character.
“Para kasama ko sila sa decision-making process, kung ano yung ima-mark ko na good take,” kuwento ng direktor nina Gerald at Arci.
Hindi lang daw pang-bagets o para sa mga millennial ang pelikula, pang all ages daw ang “Can We Still Be Friends.”
“Ako po personally, ayokong isipin na for certain audience lang siya. Siguro nakuwento ko lang ‘yung naramdaman ko, naranasan ko. Tapos parang masaya lang po, parang nag-stick lang ako sa story talaga and not really trying to cater to certain audience,” sabi pa ni direk.
Kuwento raw ng mga kaibigan ni direk Prime ang “Can we Still Be Friends” pero ipinagpaalam naman daw niya ito kung puwedeng gawing storyline at pinayagan naman daw siya.
Kaya naman nagtulong ang mag-dyowang Prime at Jen Chuansu sa pagbuo ng istorya ng “CWSBF” na mapapanood na sa Hunyo 14 sa mga sinehan nationwide mula sa Star Cinema. Kasama rin dito sina Erika Padilla, Markki Stroem, Bryan Santos, Brian Sy, Emmanuelle Vera, Ria Atayde at Gege Severo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.