Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
4:15 p.m. Pilipinas-Blue vs Pilipinas-Red (men’s)
7 p.m. Pilipinas-Blue vs Pilipinas-Red (women’s)
NAHALUAN ng drama at tensiyon ang pinakahuling tryout para sa pambansang koponan bago pa man isagawa ang pag-aagawan ng mga pinakamahuhusay na volleyball players sa bansa para sa kanilang silya sa kinakailangan na 18-katao sa gaganapin na Clash of Heroes ngayon sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Unang pamumunuan ng aktor at kasalukuyang NCAA Most Valuable Player na si Johnvic de Guzman ang Pilipinas-Blue team sa pagsagupa nito sa matitinding manlalaro mula sa Pilipinas-Red squad na pangungunahan naman ng 4-time UAAP MVP na si Marck Jesus Espejo sa men’s match ganap na alas-4:15 ng hapon.
Bagaman hindi kumpirmado si Espejo, nananatiling solido ang koponan nito at bahagyang nakakaangat sa salpukan na nagsisilbing final leg ng tryout para sa binubuong national team sa isasabak sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19 hanggang 30.
Isa pa na posibleng hindi makalaro ang dating Ateneo Lady Eagle na si Alyssa Valdez ng Pilipinas-Blue team na sasagupa kontra sa Pilipinas-Red squad na pamumunuan ni Aiza Maizo-Pontillas ng Petron sa ganap na alas-7 ng gabi na labanan na inorganisa ng PSC-POC Media Group sa kooperasyon ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) pati na UCPB Gen na official insurance provider at TV5 na official broadcast partner.
Bago ang laban ng kababaihan, magbibigay pugay muna ito sa mga naunang nakapagbigay karangalan sa bansa sa internasyonal na torneo tulad nina three-time SEA Games gold medalist Arlene Apostol-Ladimo, Grace Antigua, Zenaida Chavez, Rosemarie Prochina at Joanne Tavera-Tomacruz.
Inimbitahan din sina PSC chairman William “Butch” Ramirez, POC president Jose “Peping” Cojuangco, LVPI president Joey Romasanta at Sen. Juan Miguel Zubiri para sa ceremonial serve habang ang NCAA cheerdance champion Arellano University ang magbibigay ingay sa mga drums para pasiglahin ang seremonya.
Si Valdez ay pinagbawalan na lumaro ng mother club nito na Creamline sa dahilan na makaiwas sa anumang injury sa pagsabak ng koponan sa Premier Volleyball League (PVL).
Inaasahan din na hindi makakalaro ang nasa PVL na sina Myla Pablo at Elaine Kasilag ng Pocari Sweat at Gretchel Soltones ng BaliPure.
Dahil dito ay posibleng mawala ang tsansa ng mga ito sa national team kung saan una nang inihayag ng LVPI na ang aktibidad ay magsisilbiing basehan para sa pagpili sa komposisyon ng national team.
“The first thing we want to see in these aspirants is their commitment,” sabi ni national women’s team head coach Francis Vicente. “This event is the ultimate test not only to their skills and talent, but also to their character and commitment to serve the national team.”
Dapat sanang makakatulong ni Valdez kung kusa itong dadalo at maglalaro para sa Pilipinas-Blue squad ang mga kasabayan na sina Kim Fajardo, Mika Reyes, Kim Dy, Dawn Macandili, Ria Meneses at Frances Molina.
Makakalaban nito ang mga beterano sa Pilipinas-Red squad na sina Maizo-Pontillas, Aby Maraño, Denden Lazaro, Jaja Santiago, Gen Casugod at Rhea Dumaculangan.
Ang men’s match ay ipapalabas sa livestream sa Sports5.ph habang ang women’s match ay ikokober ng live ng TV5.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.