Baron, Espejo tinanghal na MVP sa UAAP Season 79 volleyball
TINANGHAL na Season Most Valuable Player sina Ma. Joy Baron ng De La Salle University Lady Spikers at Marck Jesus Espejo ng Ateneo de Manila University Blue Eagles sa UAAP Season 79 volleyball tournament.
Hindi lamang inuwi ng Season 76 Rookie of the Year-MVP at 6-foot-3 open hitter na si Espejo ang ikaapat na sunod nitong season MVP award kundi idinagdag pa ang pagiging Best Scorer at Best Spiker ng liga.
Huling tinalo ng Blue Eagles ang National University Bulldogs sa Game One ng men’s volleyball finals para sa ika-15 na sunod na panalo ng Ateneo sa season na ito habang pinalawig pa ang diretsong pagwawagi sa 29 laro simula noong isang taon at ikasiyam na sunod din na panalo sa kanilang head-to-head kontra NU mula Season 77.
Iginawad naman ang Best Blocker kay John Paul Bugaoan ng Far Eastern University habang Best Server si Bryan Bagunas ng NU. Ang Best Digger award ay napunta kay Ricky Marcos ng NU habang Best Setter naman si Esmilzo Joner Polvoroza ng Ateneo at Best Receiver si Rikko Marius Marmeto ng FEU.
Kinilala bilang Rookie of the Year si Chumason Celestine Njigha ng Ateneo.
Sinurpresa ni Baron ang liga sa pagsungkit nito ng season MVP award matapos na ipakita ang kanyang husay sa depensa at opensiba sa pagbitbit nito sa Lady Spikers tungo sa ikasiyam na sunod na finals appearance.
Tinalo ni Baron ang nag-uwi sa Best Scorer, Best Spiker at Best Blocker sa kababaihan na si Alyja Daphne “Jaja” Santiago ng NU at kakamping si Season 76 at 78 Best Setter at Best Server at Season 78 beach volley MVP na si Kim Fajardo ng defending champion DLSU.
Inuwi ni Kathleen Faith Arado ng University of the East ang Best Digger habang muling nakuha ni Dawn Nicole Macandili ang Best Receiver.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.