MAY mga karaniwang sakit na nakukuha kapag mainit ang panahon na tinatawag na common summer
diseases at narito ang ilan sa kanila na dapat mong bantayan.
Sore eyes
Makukuha mo bang makipagtitigan sa isang taong mapula ang mata?
Hindi kay Dracula o sa taong sabog sa droga, kundi sa taong may sore eyes.
Pero taliwas sa paniwala ng marami, hindi ka mahahawa ng sore eyes sa simpleng pagtingin lamang.
Ang sore eyes o conjunctivitis ay sanhi ng virus o bacteria na nagpapapula, nagpapaluha at labis na nagpapamuta sa mata.
Hindi man nakakahawa ang simpleng pagtingin, madali itong makahawa.
At ang pinaka epektibong paraan upang hindi mahawa ay ang tamang paghuhugas ng kamay.
Kapag mayroong bacteria o virus ng sore eyes na nasa bagay na hinawakan at ikinuskos ang kamay sa mata, mataas ang tyansa na ikaw ay mahawa.
Dapat ay gumamit ng sabon upang mamatay ang bacteria o kaya ay maglagay ng alkohol.
Iwasan ding hiramin o gamitin ang mga personal na bagay gaya ng salamin sa mata, makeup, panyo o towel ng taong may sore eyes.
Maging malinis hindi lamang sa katawan kundi maging sa mga bagay na madalas hinahawakan gaya ng mga doorknob, handrail, computer keyboard at mga katulad na bagay.
Kung hinawakan ng isang taong may sore eyes ang mga bagay na ito matapos kusutin ang kanyang mata, maaaring lumipat sa mga ito ang virus o bacteria.
Mas mabilis na gumagaling ang sore eyes kapag nilalagyan ito ng malamig na bagay gaya ng ice pack o pinalamig na cucumber.
Maaari ring pumunta sa doktor upang maresetahan ng gamot at upang matiyak na sore eyes nga ito.
Bungang-araw
Karaniwan na ang pagkakaroon ng bungang araw kapag dumating na ang tag-araw o summer. Ang bungang-araw o prickly heat ay ang pagkakaroon ng mapupula at maliliit na butlig sa balat na maaaring mahapdi o makati. Ang pagkakaroon ng bungang-araw ay nagsisimula sa sobrang pagpapa-wis ng balat dahil sa sobrang init.
Narito ang ilang tips at lunas sa bungang araw:
Hangga’t maaari iwasang mainitan at pagpawisan
upang hindi na lumala ang konidisyon. Makatutulong ang madalas na pag-inom ng tubig na malamig para malamigan.
Umiwas sa mga lugar na sobang maalinsangan at mainit. Makatutulong din ang pagsuot ng mga damit na maluluwang at yari sa cotton.
Kung mahapdi o makati ang inyong bungang-araw, makatutulong ang paglalagay ng baking powder. Paghaluin ang magkasindaming tubig at baking powder at ilagay sa apektadong bahagi ng katawan.
Kuskusin ng malamig na pakwan ang apekatadong bahagi. Mabisang pagtanggal ng pamamaga ng balat ang malamig ng pakwan.
Makatutulong din ang paglalagay ng malamig na pipino. Iwanan itong nakalagay ng kalahating oras.
Pumutol ng kapirasong luya at pakuluin sa tubig. Paglamig nito, basain ang tuwalya at ipunas sa apektadong bahagi.
Sipon at ubo
Ang “sipon at ubo” naman ay madali umanong kumalat kapag summer month dahil sa sobrang init ng panahon, at paminsan-minsang pag-ulan. Pinapayuhan din ang mga matatanda na magpabakuna laban sa influenza upang labanan ang flu season na karaniwang nagsisimula sa buwan ng Hunyo. Mas magandang magtigil o manatili muna sa bahay kung may ubo at sipon. Ugaliin ang paghuhugas ng mga kamay at tatakpan ang bibig at ilong kung uubo o babahing.
Bulutong
Isa sa kinakakatukan kapag tag-init ang bulutong tubig o chicken pox.
Ayon sa Department of Health (https://www.doh.gov.ph/node/2219) sanhi ito ng varicella virus.
Madali itong makahawa kaya pinapayuhan na i-isolate ang mga taong may bulutong. Maaaring mahawa ang mga tao na natalsikan ng laway o nadikit sa balat ng may bulutong.
Pinakanakakahawa umano ito limang araw bago o limang araw pagkatapos lu-mabas ng mga butlig sa balat.
Nagsisimula ito bilang pamumula ng balat at lumalabas ang mga butlig o pantal sa loob ng tatlo o apat na araw mula sa unang araw ng lagnat.
Ang bulutong ay gumagaling sa loob ng isa o dalawang linggo kahit na hindi gamutin.
Mayroong bakuna laban sa bulutong pero kailangang magpakonsulta muna sa doktor.
Pagsusuka at pagtatae
Kadalasan nakukuha sa mga pagkaing madaling masira, mainam kung magiging maingat sa pagbili ng mga street foods na mga pagkain na binabaon, o yung mga pagkain na madaling masira sa panahon ng tag-init. Ang pangunahing gamot sa pagsusuka at nagtatae ay pag-inom ng oral rehydration salt solution at maraming tubig.
Sunog na balat sa araw?
Sunburn ‘yan!
Ang sunburn o ang pagkasunog ng balat ay resulta ng matagal na pagkakabilad sa araw. Ang kondisyong ito ay karaniwan sa panahon ng tag-araw o summer.
Sa mga simpleng kaso ng sunburn, ang balat na nasunog ay maaaring mamula-mula o nangingitim at mahapdi sa simula. Ngunit sa paglipas ng ilang araw, ang balat na nasunog ay magsisimulang matuklap at magdudulot ng matinding pangangati sa balat. Ang pagtuklap ng balat ay magtutuloy-tuloy hanggang sa tuluyang mawala ang mga nasunog na bahagi ng balat.
Sa mga mas malalang kaso naman, kung saan ang isang indibidwal ay nanatili nang mas matagal sa pinaka matinding kainitan ng araw, ang balat ay maaaring magkasugat-sugat na parang paltos, at maaaring makaramdam ng mga sintomas ng lagnat.
Narito ilang lunas na maaaring gawin para maibsan ang mga epektong dulot ng sunburn:
Tapalan ng tuwalyang binasa ang apektadong bahagi sa malamig na tubig o kaya ay paagusan ng malamig na tubig ang balat na nasunog para mabawasan ang hapding nararanasan.
Pahiran ang nasunog na balat ng gel o ointment para sa sunburn. Ang mga kadalasang pinapahid ay may sangkap na menthol, camphor, at katas ng aloe vera.
Makatutulong din ang tuloy-tuloy na pag-inom ng tubig.
Kung ang balat ay namamaga dahil sa tindi ng sunburn, makatutulong ang pag-inom ng gamot kagaya ng aspirin o ibuprofen.
Hanggat hindi tuluyang gumagaling ang nasunog na balat, huwag magbibilad sa araw.
Ang pagkakaroon ng sunburn ay kadalasang nagagamot naman sa bahay lang, ngunit sa kung dumaranas ng malalalang kondisyon at komplikasyon, maaaring magtungo na sa pagamutan at kumonsulta sa doktor na espesyalista sa balat.
Simple lang ang mga hakbang para makaiwas sa pinsalang dulot ng araw:
Iwasang lumabas ng bahay sa oras na pinaka-matindi ang sikat ng araw. Ito ay mula 10 ng umaga hanggang hanggang 4 ng hapon.
Magsuot ng mga damit gaya ng may mahahabang manggas at pantalon. Makabubuti rin ang paggamit ng payong, sombrero at shades sa mata.
Ugaliin din ang paglalagay ng mga sunscreen lotion na may mataas na SPF (Sun Protection Factor).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.