Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
3 p.m. Globalport vs Blackwater
5:15 p.m. Meralco vs Alaska
IKALIMANG sunod na panalo at solong liderato ang pilit kukunin ng Alaska Aces kontra Meralco Bolts sa tampok na laro ngayon sa 2017 PBA Commissioner’s Cup elimination round sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Isasagawa muna ang salpukan sa pagitan ng Globalport Batang Pier at Blackwater Elite sa alas-3 ng hapon bago ang sagupaan sa pagitan ng Aces at Bolts ganap na alas-5:15 ng hapon.
Isa ang siguradong makakatikim ng panalo sa pagitan ng Globalport, na ipaparada ang bagong import na si Malcolm White para pagandahin ang bitbit na 0-3 karta, at Blackwater, na may 0-4 record.
Pilit naman na iiwas ang Alaska (4-0) na madumihan ang kartada sa pagsagupa nito sa Meralco (4-1).
Patuloy ang magandang paglalaro ng Aces matapos na biguin ang Globalport (107-79) bago isinunod ang Blackwater (109-95), Mahindra (98-92) at defending champion Rain or Shine (105-102).
Rumagasa rin ang Meralco sa apat nitong laro kontra Phoenix (94-86), NLEX (91-84), TNT KaTropa (94-89) at Rain or Shine (89-83) bago nabulilyaso sa ikalima nitong laban kontra three-time Philippine Cup champion San Miguel Beer (92-99).
Sasandigan ng Aces sina Sonny Thoss, JVee Casio, Calvin Abueva at Kevin Racal habang ang Bolts ay aasa kina Jared Dillinger, Chris Newsome, Cliff Hodge at Reynel Hugnatan.
Inaasahang magpapasiklaban naman ang mga import na sina Cory Jefferson ng Alaska at Alex Stepheson ng Meralco.
Samantala, bumangon ang TNT Katropa mula sa 29 puntos na paghahabol para talunin sa overtime ang NLEX, 126-121, sa kanilang PBA game Biyernes.
Gumawa si Jayson Castro ng 32 puntos at 11 assists para pamunuan ang Tropang Texters na umangat sa 3-1 kartada.
Nagtala naman si Wayne Chism ng 35 puntos at 21 rebounds para pangunahan ang Road Warriors na nalaglag sa
0-4 record.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.