Nadakip ng mga 0toridad ang dalawang banyagag may kaugnayan sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), nang magsagawa ng operasyon sa isang commercial district sa Taguig City kamakailan, ayon sa militar.
Kinumpirma ni Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces, na may isinagawang operasyon laban sa mga banyagang konektado sa kilalang “terrorist organization,” sa Taguig noong huling bahagi ng Marso.
“There indeed was a joint operation, an interagency operation, which was geared towards the protection of our nation against any threat from a foreign terrorist organization,” sabi ni Padilla sa mga reporter.
Ayon kay Padilla, ibang ahensiya ang namuno sa operasyon, at ang Department of Justice at Bureau of Immigration and Deportation ang mag-aanunsyo nito.
Pero ayon sa isa pang military official, nauwi ang operasyon sa pagkadakip sa isang Hussein Azo Aldgafiri alyas “Warsh Al-Kuwaiti” na mula Kuwait, at isang Raja Zina na mula Syria.
Nadakip ang dalawa sa Bonifacio Global City dakong alas-9:45 ng gabi noong Marso 25, ayon sa opisyal, na tumangging magpalathala ng pangalan.
Si Hussein ay kilalang “middle-level leader” ng ISIS, at kapatid ng isang dating “number 3” leader na ngayon ay patay na, ayon sa source.
Si Raja, na 4 o 5-buwang buntis, ay kaibigan ng kapatid ni Hussein, ayon pa sa source.
Nang tanungin kung naaalarma ang AFP sa presensya ng mga tunay na miyembro o contact ng ISIS, iginiit ni Padilla na nakahanda ang militar na tumugon sa anumang banta.
“Hindi po ito tanong kung may banta o wala, kundi ito ‘yung kahandaan natin tumugon doon sa banta… Based on our assessment, we are leaning forward and we are proactively engaged with all these threats, once they become active, we can confidently say that we can protect you against these threats,” aniya.
Dating itinatanggi ng militar at pulisya na may mga nakapasok nang miyembro ng ISIS sa bansa.
Matatandaan na tinatawag lang ng mga ahensiya ang mga grupong gaya ng Abu Sayyaf, Ansar al Khilafah Philippines, at Maute group bilang “supporters” o “sympathizers” ng ISIS, sa kabila ng pagsumpa ng katapatan ng mga miyembro ng mga ito sa terror group na nakabase sa Gitnang Silangan.
Noong Enero, inihayag naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na lumipat na si Abu Sayyaf commander Isnilon Hapilon sa Central Mindanao para magtayo ng Islamic state, bilang pagsunod sa mga kasapi ng ISIS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending