Suspek sa pagpatay sa Koreano posibleng fall guy-Aguirre
TINITINGNAN na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang posibilidad na fall guy lamang si Senior Police Officer 3 (SPO3) Ricky Sta. Isabel , ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
“Based on his statement, he was only framed up and had nothing to do with the death of Jee (Ick Joo),” sabi ni Aguirre.
Idinagdag ni Aguirre na nagsumite ang misis ni Sta. Isabel ng mga ebidensiya na magpapatunay na walang kinalaman ang mister sa pagpatay kay Jee.
Ayon kay Aguirre, kabilang sa mga ebidensiya na isinumite ng misis ay ang resibo mula sa isang bookstore noong Okt. 18, 2016, ang araw kung saan dinukot si Jee.
Iginiit ni Sta. Isabel na nasa bookstore siya sa Metro Manila kasama ang anak ng kanyang superior, si Philippine National Police (PNP) Anti-Illegal Drugs Group Superintendent Rafael Dumlao.
Sinabi ni Aguirre na sinabihan si Sta. Isabel ni Dumlao at ni PNP Anti-Kidnapping Group Senior Superintendent Glenn Dumlao na sundin ang umano’y script sa kaso ni Jee.
Nagsumite umano si Jinky ng usapan sa telepono kung saan binanggit ang planong pagpatay ng mga opisyal at pinalabas na ang mga ito ang nasa likod ng pagdukot at pagpatay kay Jee.
Idinagdag ni Aguirre na nagsumite rin si Jinky ng isang closed circuit television footage (CCTV) ng isang Toyota Hilux na ginamit sa aktuwal na pagdukot kay Jee.
“She submitted proof supporting her husband’s defense, particularly a CCTV footage showing two identical Hilux units with the same license plate number and color but have a few differences,” ayon pa kay Aguirre.
Sinabi pa ni Aguirre na makikita rin sa isa pang CCTV footage na isinumite ang pagbisita ni Rafael Dumlao at Senior Superintendent Allan Macapagal sa kanilang bahay.
“If this evidence is true, then there is a well-planned operation,” ayon pa kay Aguirre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.