De Lima lalong idiniin ng mga testigo
Muling nagharap ang Department of Justice ng mga testigo na nag-ugnay kay dating Justice Sec. Leila de Lima, ngayon ay senador, sa operasyon ng ipinagbabawal na gamot sa New Bilibid Prison. Sa ikalawang araw ng pagdinig ng House committee on justice kahapon, iniugnay ng mga testigong sina Noel Martinez at Jaime Patcho si de Lima sa operasyon ng ipinagbabawal na gamot sa loob ng kulungan. Sinabi ni Martinez, kumander ng Genuine Ilocano group sa NBP, na kinausap siya ni Jaybee Sebastian upang magbenta ng ipinagbabawal na gamot upang makalikom umano ng pondo para sa kampanya ni de Lima. “Kinausap ako ni Jaybee Sebastian para maglikom ng pondo para sa kandidatura ni De Lima. Dapat magbenta kami sa mga lider ng pangkat para malaki ‘yung malikom,” ani Martinez. Nakita rin umano ni Martinez si de Lima ng bumisita ito kay Sebastian. Si Patcho naman ang lider ng Commando at kinausap din umano ni Sebastian para lumikom ng pondo para kay de Lima. “Boses ni Jaybee, parang batas dahil sa nakikita namin na napakalakas niya. Si Sec. Leila De Lima kasi nakikita ko po ‘pag pumasok sa maximum security compound, dun pumupunta kay Jaybee po,” ani Patcho. Sinabi naman ni Froilan Trestiza, kumander ng Batang City Jail, na ibinibigay niya ang pera sa isang Danilo Martinez na konsultant umano ni de Lima. Humingi umano siya ng tulong sa kanyang mga kakosa upang makapagbigay ng pera at hindi sila mapag-initan. Gaya ng mga tumestigo noong Martes, ang mga ito ay binigyan ng immunity ng Kamara upang hindi magamit laban sa kanila ang kanilang mga isisiwalat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.