NAGSIMULANG magtrabaho noong 2006 bilang domestic helper sa Hong Kong ang 34-anyos na Pinay na itinago na lamang sa pangalang Meliza.
Sa loob ng 10 taong pananatili sa Hong Kong ay kabisado na ni Meliza ang pasikot-sikot doon. Kaya naman nang matapos ang kanyang kontrata ay nanatili na lamang siya sa roon.
Ilegal na nga na naninirahan doon ay nasangkot pa sa pagtutulak ng droga si Meliza.
Kamakailan ay naaresto si Meliza. Inamin niya ang pagbebenta ng heroin, cocaine at shabu at nasentensyahan siya ng kulong na anim na taon.
Kahit paano, maipagpapasalamat pa rin na sa Hong Kong nahuli si Meliza at hindi sa China. Dahil kung sa mainland China siya nadakip, death penalty tiyak ang kakaharapin niya.
Mahigpit ang China sa pagpapatupad ng batas laban sa droga. Kamatayan ang parusa sa mga drug trafficker.
Sa Hong Kong, kulong lamang ang kaparusahan at kapag napagsilbihan na ang sentensiya sa kanya, makalalaya siya nang buhay at maaaring makabalik sa bansa upang magbagong-buhay.
Hindi tulad nang maraming nagpupuslit ng droga, kaagad umamin si Meliza na alam niya ang kaniyang ginagawa.
Madalas kasing palusot ng iba na hindi umano nila alam na droga pala ang kanilang dala-dala. Ngunit ang katotohanan, alam nila sa kanilang puso’t mga isipan na talagang droga ang bitbit nila kapalit ng malaking halaga. At tinatanggap nila ang malaking halagang iyon.
Ang totoo ay hindi na maituturing na OFW si Meliza dahil wala na siyang legal na kontrata sa Hong Kong at hindi na nagtatrabaho bilang isang lehitimong OFW.
Kaya nga galit ang maraming OFW kapag tinataguriang OFW ang nahuling nagtutulak ng droga.
Ayaw nilang mapabilang sa kanilang hanay ang mga gumagawa ng ilegal na gawin at pagkatapos ay tatawaging OFW.
Nagtatrabaho umano sila sa malinis na pamamaraan sa kabila ng maraming mga pagtitiis at hirap na dinadanas.
Ang labis na pag-ibig sa salapi, ang paghahangad ng maraming pera at mga ari-arian kahit makuha sa ilegal na mga pamamaraan ang siyang nagtutulak sa ating kababayan upang isugal hindi lamang ang kanilang magandang pangalan at reputasyon, maging ang kanilang buhay na regalo sa kanila ng ating
Diyos na dapat ginagamit sa makabuluhang mga bagay.
Hanggang kailan kaya matututo ang ating mga kababayan na mamuhay ayon sa kanilang kakayahan at huwag nang maghangad nang mga bagay na hindi naman nila kaya? Magsilbing aral sana sa lahat ang sitwasyon ni Meliza.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. May audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.