John Lloyd ‘Nagpasilip’ sa mall show ng ‘Just The 3 Of Us’; mga bading nagpiyesta
PUNUMPUNO ng tao ang Ayala Terraces mall sa Fairview nang magpunta roon sina John Lloyd Cruz at Jennylyn Mercado last Sunday night para sa promo ng pelikulang “Just The 3 Of Us” ng Star Cinema.
In fairness, talagang tinilian at pinalakpakan ang dalawa matapos ang kanilang song number with matching holding hands pa kaya naman kilig na kilig ang kanilang mga supporters na talagang dumayo pa sa Fairview para makita sila up close and personal.
Kasama rin nina Lloydie at Jennylyn ang direktor ng pelikula na si Cathy Garcia Molina at iba pang members ng cast tulad nina Manuel Chua, PJ Endrinal, Paulo Angeles ng grupong #Hashtags, Ketchup Eusebio at Maria Isabel Lopez.
Mas lalo pang lumakas ang sigawan ng audience nang tuksuhin ni direk Cathy si Lloydie na magpakita rin ng kanyang abs tulad ng ginawa ni Manuel Chua on stage. Sagot naman ni John Lloyd sa challenge ni direk Cathy, “Walang problema!” at agad na itinaas ang kanyang “Just The 3 Of Us” t-shirt.
Grabe ang tilian ng mga girls nang makita ang itinatagong abs ni Lloydie. Nagpiyesta rin siyempre ang mga beki! Pagkatapos ng mall show, dumiretso na ang cast members ng movie sa inihandang mini presscon ng Star Cinema.
Una naming nakachika si John Lloyd na nagsabing kakaiba ang excitement na nararamdaman niya para sa proyektong ito. Bukod daw kasi sa bago ang kanyang leading lady, kakaiba rin ang tema ng movie at tiyak daw niyang maraming lalaki ang makaka-relate sa karakter niya rito.
“Kasi di ba, aminin natin, may mga lalaki talaga na nakaka-experience na…bigla na lang may lalapit sa ‘yo, kakausapin ka tapos sasabihin ikaw ang tatay ng baby na ipinagbubuntis niya. So, first time ito for me. Pero yung atake sa karakter parang hawig sa role ko sa ‘The mistress’, alta-alta, ganu’n,” pahayag ni John Lloyd.
Sa tanong kung ano ang naging reaksiyon niya nang sabihin sa kanya ng Star Cinema na si Jennylyn ang susunod niyang magiging leading lady sa pelikula, “Siyempre, na-excite, bagong tambalan, bagong putahe. Pero sabi ko nga, more than anything else, it’s something na…it’s music to my ears.
Napakaliit ng industriya natin, yes I understand the network war, pero dapat ang buong industry laging united para mas tumaas yung kalidad ng bawat pelikula, mas mabigyan ng quality movies ang mga manonood.”
“Kapag may mga artistang galing sa ibang network na nagtatrabaho sa mother studio mo, music to my ears na yun sa akin, kasi mas marami kang pwedeng makatrabaho pa. Mas marami ka pang pwedeng aralin at matutunan.
Ang working with Jen, napakasarap niyang katrabaho, walang-wala ka nang mahihiling pa,” dagdag ng binata. Ano naman ang masasabi niya sa magiging banggaan ng pelikula nila at ng “This Time” nina James Reid at Nadine Lustre na showing na rin sa May 4? “Tingin ko isa lang ang pinatutunayan niyan, e, buhay na buhay ang industriya ngayon.
Kasi di ba, para magkasabay-sabay ang playdate ng mga Pinoy movies ngayon, ibig sabihin, very active ang industry natin. And I’m really excited para sa kanila. Nagkita nga kami sa ASAP, binati ko sila.
“Hindi naman sa hindi ako kinakabahan, kasi at the end of the day it’s just a matter of choice, e kung halimbawa, ikaw ang manonood, anong panonoorin mo, saan papasok sa budget mo.
Para sa akin, isa lang ang sinasabi niyan, we have a growing industry and we have to embrace it as one. Huwag dapat magsiraan, tsaka lahat naman ng ito, tayo-tayo pa rin ang magbe-benefit, e,” chika pa ng Box-Office King.
Bukod sa mga hugot scenes nina John Lloyd at Jennylyn sa “Just The 3 Of Us”, kailangan n’yo ring abangan ang mga love scene nila sa movie. Kuwento nga ni Lloydie, sa isang eksena raw si Jen pa mismo ang kumuha ng kamay niya para ilagay sa katawan nito dahil parang nahihiya pa raw ang aktor.
Sey naman ni Jen, “Yung love scene talaga namin, tastefully done. Magkakaiba siya. Sexy talaga yung una. Yung pangalawa, punong-puno na ng pagmamahal.” Nang tanungin naman si Lloydie kung sexy ba ang kanyang leading lady, nandidilat na sagot nito, “Oo naman! Kapag hindi mo nakitang sexy, alam mo na!”
Samantala, inusisa rin ng press kung ano ang masasabi ni John Lloyd sa trending hugot lines ng ex-girlfriend niyang si Angelica Panganiban sa gag show na Banana Sundae. Marami ang nagpapalagay na siya ang pinatutungkulan ng mga dialogues ni Angelica tungkol sa isyu ng break-up.
“I don’t think intentional yun for me. I don’t believe intentional yun for me,” sagot ng aktor. Nang matanong kung masaya naman siya sa buhay niya ngayon bilang single uli, “I’m learning. I’m working on it, di ba? Yun naman ang importante: not to give up.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.