Biyahe Tayo: Doon sa mga isla ng mga higante
MALIBAN sa Boracay, maraming iba pang lugar sa Panay Island na maaaring dayuhin ngayong tag-init, pero ang pinakanamumukod-tangi ay ang Gigantes Islands ng Carles, Iloilo.
Tadtad ng white sand beaches at resort ang Gigantes, gaya ng Boracay, pero nasa iba-ibang isla, kaya di mo mararamdaman ang pukyutan ng tao. “Mamili ka ng isla mo,” sabi nga ng mga tour guide.
Labindalawang malaki’t maliliit na isla ang bumubuo sa Gigantes, at bawat isa ay may kakaibang atraksyon. Kung mahilig ka sa adventure at mga bagong karanasan, paraiso ito para sa iyo.
Islas de Gigantes Sur
Sa grupo ng Gigantes Sur matatagpuan ang iilang resort at ang Cabugao Gamay islet, ang maliit na islang kung saan makikita ang view ng pinakatanyag na “poster photo” ng buong Gigantes Islands.
Sa maliit na islang ito’y nag-iisa ang Maruja Flora Resort, kung saan ka maaaring magrenta ng kubo o kaya’y tent. Tinamaan ng bagyong “Yolanda” ang Gigantes Islands noong Nobyembre 2013 kaya sa Cabugao Gamay ay may makikita pang ilang tent na donasyon ng United Nations at Canada, na ngayo’y pinapagamit ng mga taga-sla sa mga bakasyunista.
Sa Gigantes Sur din matatagpuan ang “Tangke” saltwater lagoon, na ayon sa kuwento ng matatandang taga-isla ay mataas ang tubig kapag di pa naliligo ang mga higante. Laging malinaw ang tubig sa lagoon? dahil labas-masok ang tubig-dagat sa mga butas ng limestone formations na nakapalibot dito.
Kung susuwertehin ka’y dadalaw pa sa gilid ng lagoon ang pamilya ng mga unggoy na nakatira sa mga bato. Sa mabato at matarik na bahagi ng Gigantes Sur naman makikita ang Pawikan Caves kung saan, ayon sa sabi-sabi, ay inilbing ang maraming ginto pero natangay ng treasure hunters.
Nasa dulong bahagi naman ng Gigantes Sur ang Antonia Beach kung saan maaaring makakita ng corals at isda sa pamamagitan ng snorkeling, at may nakatayong nag-iisang sari-sari store na nagbebenta ng malamig na inumin. Di kalayuan sa Antonia Beach ang Bantigue islet na may halos isang-kilometrong “sandbar,” na nag-iiba-iba ng hugis depende sa alon at taas ng tubig-dagat.
Gigantes Norte
Sa isla ng Gigantes Norte naman matatagpuan ang Gigantes Hideaway Inn, Arjan Beach Resort, Rosewood Place, at iba pang maaring tuluyan ng mga turista. Nasa Gigantes Norte rin ang Bakwitan Cave at iba pang kuweba kung saan may natagpuan noon na mahahabang kabaong ng malalaking tao — ito umano ang dahilan kung bakit ang mga pulo’y tinawag na “Islas de Gigantes.”
Sa Gigantes Norte din makikita ang mga labi ng isang parola na itinayo noon pang panahon ng Kastila. Nakatirik ngayon doon ang isang bagong parola na maaaring akyatin para masilayan ang kapuluan, hanggang sa mainland Carles.
Mararating mo lahat ng tourist attraction ng Gigantes sa pamamagitan ng aarkilahing bangka. Maglaan ng kalahating araw para sa island-hopping sa Gigantes Norte at kalahating araw din sa Gigantes Sur para sulit ang biyahe.Buhay-lungsod iwan muna Siguraduhin lang na handa kang iwanan sandali ang nakasanayang buhay sa lungsod dahil pang-text at tawag lang ang signal ng cellphone sa Gigantes, at minsa’y kailangan mo pang umakyat sa burol para maka-contact — “buhay isla,” ika nga.
Dahil 18 kilometro ang layo sa mainland, limitado rin ang suplay ng kuryente sa mga isla. Sa Cabugao Gamay, 5:30 ng hapon hanggang alas-6:30 ng umaga kinabukasan lang ang kuryenteng mula sa generator. Pero dahil nauuso na ang solar power banks ay marami nang turistang may bitbit nito sa Gigantes. Magdala ka na rin ng maraming inuming tubig.
Walang problema sa pagkain dahil araw-araw ay nagbababa ang mga mangingisda ng isda’t mga lamang-dagat sa iba-ibang isla ng Gigantes. Nag-iimbak din ng karne ang mga resort para di maumay ang mga turista sa seafood.
Sa sobrang dami ng seafood, wag ka nang magulat sa P1 o piso lang kada piraso ng “scallops,” na maaaring ipaluto sa iba-ibang paraan at mahal kung bibilhin sa Maynila. Mura rin ang alimasag at specialty sa isla ang “Isdang Puti” at ang “Wasay-Wasay”—isang hugis-palakol na talaba na minsa’y may perlas pa sa loob.
Ihanda mo lang ang sarili sa maalong biyahe mula sa fish port ng Brgy. Bancal, Carles, patungong Gigantes. Kadalasa’y mas maalon papunta at di na gaano pag pabalik.
Sidetrip sa Capiz
Para sa mga turistang magmumula pa ng Maynila o ibang bahagi ng bansa maliban sa Iloilo, pinakamabilis na mararating ang Carles sa pamamagitan ng Roxas City, Capiz. Wala pa isang oras ang biyahe ng eroplano mula Maynila patungong Roxas City, kung saan maaari kang sumakay ng taxi, bus, o umarkila ng van patungong Brgy. Bangcal, Carles.
Habang nag-aabang ng masasakyan sa Roxas, maaari ka munang maglibot sa Boulevard, na may katabing dagat na puwede pang paliguan at maraming nakahilerang seafood restaurant, cafe, at hotel.
Mahigit isang oras kukunin ng van ang biyahe mula Roxas patungong Carles.
Maaari kang matulog, pero mami-miss mo ang mga lumang simbahan, malalawak na taniman, mga bundok, at iba pang magandang tanawin sa Roxas. Kabilang sa mga madadaanan ang Immaculate Conception Church at Kapitolyo ng Capiz sa Roxas City, St. Laurence the Deacon Church ng Panitan, pati na ang makasaysayang Balisong Cave at ang higanteng estatwa ng Birheng Maria sa Pilar.
Madadaanan at maaari pang hintuan habang pabalik ng Roxas City ang makasaysayan din at lumang Sta. Monica Church o Panay Church sa bayan ng Panay, Capiz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.