Ulam na pampagana
Hindi kailangan na may okasyon para maghanda ng espesyal na ulam sa pamilya. Ang pagsasama-sama sa hapag-kainan ay okasyon na ngang maituturing.
Narito ang tatlong resipe na pwede mong ihanda ngayong tanghalian: masustansya at masarap, kahit mga bata ay tiyak na gaganahan.
Pritong Itlog na may
Burong Mustasa
Sangkap
4 na dahon ng burong mustasa, hiniwa sa isang pulgadang haba
1 kutsaritang mantika
2 kamatis, hiniwa nang pahaba at tanggalin ang buto
1 maliit na sibuyas, hiniwa nang pahaba
3 ngipin ng bawang, pinitpit at tinadtad nang pino
3 itlog ng manok, binati
Asin at paminta, ayon sa panlasa
Paraan
Hiwain sa isang pulgadang haba ang burong mustasa at pigain ito nang bahagya upang maalis ang labis na likido.
Maglagay ng mantika sa kawali at painitin ito sa katamtamang apoy.
Sabay-sabay na igisa ang kamatis, sibuyas at bawang sa loob ng 1-2 minuto. Ihalo ang burong mustasa at pa-tuloy na haluin. Lutuin ito ng isa pang minuto.
Idagdag ang binating itlog at halu-haluin hanggang ito ay mabuo.
Timplahan ng asin at paminta, ayon sa panlasa.
Ang hugis nito ay hindi kailangang perpektong bilog. Mahahalintulad ang lutuing ito sa scrambled eggs. Hindi bale kung hindi buo at basag-basag at hindi magkakadikit o buo ang itlog.
Tortang Talaba
Sangkap
4 na itlog
1 tasang talaba (talop na)
1 tasang dinikdik na biscocho
1 sibuyas, tinadtad nang pino
1 maliit na bungkos ng dahon ng sibuyas na mura, hiniwa nang pino
1 maliit na bungkos ng kinchay, tinadtad
Mantika
Asin at paminta ayon sa panlasa
Paraan
Paghiwalayin ang puti at pula ng itlog. Batihin ang puti ng itlog hanggang sa ito ay bumula at mag-malatubig. Batihin ang pula ng itlog nang mabuti. Paghaluin ang mga binating itlog.
Idampi ang mga talaba sa biscocho. Siguraduhing nababalot ito. Isawsaw sa binating itlog at ibalik muli sa biscocho.
Ihalo ang lahat ng sangkap at gamit ang maliit na sandok, sumalok ng may lahok na tatlong talaba at saka prituhin sa katamtamang init na mantika.
Kapag golden brown na ang kulay, baligtarin ito at patuloy itong lutuin.
Hanguin mula sa kawali at ilagay sa ibabaw ng kitchen paper upang masipsip ang labis na mantika.
Espesyal na
Ginisang Munggo
Sangkap
1-1/2 tasa munggo o nalatong
1 kutsarang bawang, pinitpit
1/4 kilong liempo, hiniwa ng maninipis
2 tasa dahon ng ampalaya, siniksik
1 kamatis, tinadtad
1 sibuyas, tinadtad
2 kutsarita ng patis
4 na tasa ng tubig
1 beef cube
1/2 tasa chicharon
2 tinapang galunggong, hinimay
1/4 kutsarita pamintang durog
Paraan
Ibabad ang munggo sa tatlong tasang tubig nsng 30 minuto.
Ilipat sa isang kasirola, pakuluan nang 30-45 minuto, hanggang lumambot.
Sa isang hiwalay na kawali, maglagay ng isang tasa ng tubig at pakuluan ang liempo.
Kapag natuyo na ang tubig nito, maglagay ng 2-3 kutsara ng mantika at prituhing mabuti.
Kapag medyo malutong na ang liempo, hanguin ito at ilagay sa isang tabi.
Sa kaparehong kawali, maggisa ng bawang, sibuyas, at kamatis.
Isahog ang beef cube, at timplahan ng patis at isama muli ang nilutong liempo.
Isama ang munggo, at muling pakuluan.
Kapag kumulo na ito, hinaan ang apoy at halu-haluin nang bahagya. Pabayaang lutuin pa ito nang 15 minuto.
Idagdag ang dahon ng ampalaya at chicharon.
Timplahan ng paminta
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.