Bigo ang Edsa People Power 1 | Bandera

Bigo ang Edsa People Power 1

Jimmy Alcantara - February 23, 2016 - 03:00 AM

ANG sabi, malaki ang utang na loob ng mundo sa 1986 People Power revolution. Ang Edsa uprising umano ang nagtulak sa mga taga-Poland, Chile, South Korea, Estonia, Latvia, Lithuania at Czechoslovakia na magkaisa upang baguhin ang uri ng kanilang pamahalaan at namamahala. Inamin din ni Nelson Mandela ng South Africa na naging inspirasyon niya ito sa kanyang laban kontra-apartheid. Nagbigay-daan din umano ang mapayapang pag-aalsa ng mga Pinoy sa pagkakabuwag ng Berlin Wall na humahati sa East at East Germany.
Totoo na naging simbolo ang Edsa ng kapayapaan at pagbubuklod-buklod sa mundo, pero ano naman ang napala ng mga Pinoy matapos paalisin sa puwesto si dating pangulong Ferdinand Marcos 30 taon na ang nakararaan? Nabago ba nito ang buhay ng karamihan sa 100 milyong Pilipino?
Sa pagkakaluklok sa puwesto si Corazon Aquino ay nagpatuloy lamang ang korupsyon dahil nawala nga ang mga crony ay napalitan naman ng tinaguriang Kamag-anak Inc., na nagkamal ng milyon-milyon mula sa mga kontrata ng pamahalaan at proteksyon sa mga negosyante na may kaugnayan sa pinalitang gobyerno; kinalaunan ay pumalibot na rin kay Cory ang mga dating nakapalibot kay Marcos; nagsimula ang malawakang brownout; nagtaasan ang bilihin at naging pambansang isda ang galunggong; lalong naging talamak ang droga, sugal, prosti at krimen; at higit sa lahat lalong lumala ang paghihikahos, na ayon sa World Bank ay kalahati ng populasyon noong 1988 ay nakararanas ng matinding kahirapan.
Naging payapa at kuntento ba ang mga Pilipino sa anim na taon ng panunungkulan ng ina ni Pangulong PNoy?
Kumusta naman ang mga biktima ng mga masaker sa Lupao at Mendiola, ng mga paramilitary groups gaya ng Alsa Masa? Mas tumindi pa ang mga kilos-protesta ng iba’t ibang sektor na dismayado sa pamamalakad ng gobyerno na nagbunsod naman ng sunod-sunod na kudeta.
Imbes na isailalim sa Presidential Commisson on Good Government ay
ibinigay ng unang Aquino administration ang Meralco sa pamilya Lopez, kaya muling nabuhay ang monopolya sa kuryente, at ang ABS-CBN nang wala umanong ibinayad ni isang kusing sa pamahalaan.
Naipasa nga ang batas sa land reform pero muntik nang di maisali ang Hacienda Luisita na pag-aari ng kanilang pamilya mabuti na lamang at napigilan ng Korte Suprema.
Salamat din sa Edsa People Power at muling nanumbalik ang paatras na uri ng Katolisismo sa Pilipinas. Kaya nga hanggang ngayon ay patuloy ang paglobo ng bilang ng mga Pinoy dahil hindi maisulong ang maayos na
programa sa population control sa impluwensya na rin ng mga namumuno sa simbahan. E paano pa ang diborsyo at same-sex marriage?
Ito ang mga bunga ng ipinaglaban sa Edsa.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending