San Miguel Beermen pipiliting humirit ng Game 7
Laro Ngayon
( Araneta Coliseum)
7 p.m. Alaska Milk vs San Miguel Beer
(Game 6, best-of-seven Finals series)
MAKAHIRIT ng winner-take-all Game Seven ang pipiliting mangyayari ng San Miguel Beermen sa Game Six ng 2016 Smart Bro PBA Philippine Cup best-of-seven championship series ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Tatangkain ng San Miguel Beer na maitabla ang kanilang Finals series kontra Alaska Aces sa 3-all sa larong gaganapin dakong alas-7 ng gabi.
Nanatiling buhay ang Beermen sa serye matapos na talunin sa Game Five ang Aces sa overtime, 96-83.
Ginulat ng San Miguel Beer ang Alaska sa nasabing laro matapos na sorpresang gamitin si two-time season Most Valuable Player June Mar Fajardo, na nagtala ng 13 puntos at apat na rebounds sa 16 minutong paglalaro.
Bumida sa laro si Arwind Santos matapos magtala ng 22 puntos at 16 rebounds para sa Beermen na tinapyas ang series lead ng Aces sa 3-2.
Maliban kina Fajardo at Santos, muling sasandalan ni San Miguel Beer coach Leo Austria sina Marcio Lassiter, Alex Cabagnot, Chris Ross at Gabby Espinas para buhayin ang pag-asang matagumpay na maidepensa ang titulo.
Magpipilit naman sa ikatlong pagkakataon ang Aces na tuluyang mauwi ang titulo matapos na mabigo sa dalawang sunod na overtime game.
Sasandigan pa rin ni Alaska head coach Alex Compton sina Vic Manuel, Calvin Abueva, Chris Banchero, Cyrus Baguio, Sonny Thoss, Dondon Hontiveros, Jayvee Casio at RJ Jazul para mapatalsik sa kanilang trono ang San Miguel Beer.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.