Poong Nazareno para sa mga taong walang makapitan
Leifbilly Begas - Bandera January 09, 2016 - 06:34 PM
ANG Poong Nazareno ay para sa mga taong wala nang makapitan kaya ganito na lamang umano ang pagdagsa ng napakaraming tao na nais na makahawak o makalapit man lang sa imahe.
Ito ang sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang sermon sa misang isinagawa Sabado ng hatinggabi sa Luneta Grandstand sa Pasay.
“Bakit sila pumipila? Kasi, ibig pong makahawak, makalapit, makahalik kay Hesus Nazareno…. lalo na po ang mga nakaranas na sila ay wala nang makapitan,” ani Tagle. “Wala na silang matakbuhan. Sa hirap ng buhay, para bagang ang mga inaasahan nilang makakapitan at malalapitan ay wala. Inilalaglag pa nga sila. Kaya ganoon na lamang ang marubdob na pagnanais.”
Hinimok ni Tagle ang mga walang makapitan, ang mga taong nais maramdaman na mayroong Diyos na lumapit sa Poong Nazareno.
“Para doon sa iba, na ang akala, ang mga deboto ay nagtutulakan lamang, hindi po. Naranasan ‘nyo na ba na wala kayong makapitan? ‘Pag naranasan ‘nyo ‘yan, nandiyan ang Nazareno, lumapit ka, kumapit ka. Mauunawaan mo, bakit ganyan na lamang ang kagustuhan ng mga deboto makalapit sa kanya. Wala nang ibang makapitan, pero nandiyan ang Poong Nazareno.”
Ang iba naman ay taon-taon bumabalik kahit na nahihirapan at nasasaktan dahil “Ito’y pagtanaw po ng utang na loob. Ibig kong magpasalamat sa Poong Nazareno dahil sa hindi malirip at hindi masukat na katapatan niya at kabutihan sa akin”, ani Tagle.
Marami ang nagpapatunay kung papaano binago ng Nazareno ang kanilang buhay kaya hindi simpleng thank you lamang ang kanilang ibinibigay kundi ‘marubdob na pagpapakita ng pasasalamat’ at pagpapasalamat na may kasamang sakripisyo.
Sinabi ni Tagle sa mga tao na ang pakiramdam ay nag-iisa at walang makapitan ang kailangan umano ay manalig dahil “Hawak ka ni Hesus. Pasan ka ni Hesus… Bitbit ka niya. Hindi ka niya ilalayo, kahit sugatan na ang kanyang balikat. Bitbit ka niya. Hawak ka niya. Hawak-hawak ka. At habang hawak ka, nagpapasalamat siya sa Diyos. Hindi ka mabigat. Hindi ka pabigat.”
Kung mayroon umanong mga tao na ang akala ay pabigat sila sa lipunan, sinabi ni Tagle na dapat isipin ng mga ito na sila ay “regalo ni Hesus sa iba”.
“Mga kapatid na deboto ni Hesus Nazareno, regalo ka ni Hesus sa iba. Ibinibigay ka ni Hesus sa iba. Ipakita mo ang awa ng Diyos, ang pag-ibig ng Diyos.”
Ang tema ng pagdiriwang ngayon ay “Banal na Eukaristiya, Buhay ng mga Sumasampalataya sa Poong Hesus Nazareno sa Taon ng Awa.”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending