Jonalyn lilipat na sa ABS-CBN; susundan ba si Kyla sa ASAP? Bandera

Jonalyn lilipat na sa ABS-CBN; susundan ba si Kyla sa ASAP?

Ervin Santiago |December 11,2015
share this

Jonalyn lilipat na sa ABS-CBN; susundan ba si Kyla sa ASAP?

Ervin Santiago - December 11, 2015 - 03:00 AM
JONALYN VIRAY

JONALYN VIRAY

WALA ng kontrata si Jonalyn Viray sa GMA Artist Center kaya pwede na rin siyang lumipat sa ABS-CBN tulad ng ginawa ni Kyla.

Nakachika namin kahapon ang biriterang singer at ibinalita nga niya na may mga bagong magaganap sa career niya sa pagpasok ng 2016.

Natanong namin ang dalaga kung isa na ba rito ang pagsunod niya kay Kyla sa Sunday musical show ng ABS-CBN na ASAP, “Basta open po ako sa mga bagong challenges sa career ko. Willing po akong mag-try sa ibang network, pwede po sa ABS or sa TV5 or sa GMA pa rin. Ang mahalaga kasi sa akin ngayon yung maipagpatuloy ko ang pagkanta.”

Sumikat si Jonalyn 10 taon na ang nakalilipas matapos siyang magwagi bilang unang grand champion sa top-rating singing competition ng GMA 7 na Pinoy Pop Superstar, kung saan host ang Asia’s Songbird na si Regine Valsquez noong 2005. After that, tuluy-tuloy na ang pagbirit niya para sa milyun-milyong Pilipino bilang isa sa mga resident young divas ng Sunday musical variety shows ng GMA tulad ng SOP, Party Pilipinas at Sunday All Stars.

Ang malaking exposure ni Jonalyn telebisyon ang siyang nagbigay daan sa marami at tuloy tuloy na mga sold-out shows at concerts dito sa Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo. Bilang isang recording artist, gumawa si Jonalyn ng dalawang full-length studio albums – “On My Own” nuong 2005 na released ng GMA Records at isang self-titled album nuong 2013 sa ilalim ng Creative Media Entertainment. Nasundan ang kanyang matagumpay na recording career ng mga hits tulad ng “If We Just Hold On,” “Close To Where You Are,” Nakita Kang Muli,” at “Help Me Get Over You” na naging bahagi ng opisyal na soundtrack ng groundbreaking Kapuso primetime series na My Husband’s Lover, at marami pang iba.

Ngayong 2015, ang kanyang makulay at decade-long journey bilang eksklusibong artist ng GMA ay humantong na sa isang bittersweet na pagtatapos. “Expired na po ang kontrata ko sa network nuong May,” ayon kay Jonalyn.

“Malaki po ang utang na loob ko sa GMA at wala po ako sa kinalalagyan ko ngayon kung hindi dahil sa pagaaruga sa akin ng network at management nito. Bittersweet po talaga ang pakiramdam ko dahil tahanan ko ang GMA sa nakalipas na 10 taon at hinding hindi ko po makakalimutan ang mga ginawa nila para sa akin, pero excited din po ako sa mga pwedeng mangyari sa hinaharap.

“Ang maganda, pwede pa rin po akong lumabas sa mga shows ng GMA at ng ibang networks din. Freelance artist na po ako ngayon at excited na rin po ako sa bagong phase ng a-king career,” chika ni Jonalyn.

Katatapos lang ng SRO concert ni Jonalyn sa Music Museum na pinamagatang “Journey Into My Heart”, na itinanghal ang kanyang musical influences at mga certified hits na kanyang ni-record sa nakalipas na 10 taon. Naghahanda na rin siya sa launch ng kanyang 5-track album na pinamagatang “Heart Of Glass” sa ilalim ng Creative Media Entertainment, na irirelease sa 2016. Ang carrier single nitong “Heart of Glass” ay pinrodyus, in-arrange, at ni-record sa Amerika, at available na rin ngayon para sa digital downloading.

“Marami pong hinahandang mga proyekto para sa akin ang aking management at handa po ako para sa kahit na ano. Ang sigurado po ay hindi ako magsasara ng pintuan. Sa halip, i-me-maintain ko po ang aking dati kong mga relasyon at bubuo po ako ng mga bago.”

Sey ng dalaga, may offer daw ang GMA sa kanya noon to be part of Sunday Pinasaya pero aniya medyo sasanayin daw siya sa comedy. “Parang hindi pa ko handa sa ganu’n, mas gusto kong mag-focus muna sa singing ko sa pagko-concert at paggawa ng album.”

Ayon kay Jonalyn, gusto rin niyang makasama sa kanyang future projects ang mga Kapamilya singers tulad nina Piolo Pascual, Yeng Constantino, Erik Santos at marami pang iba.

Para sa mga updates at karagdagang impormasyon i-like ang Jonalyn Viray Official sa Facebook at sundan siya sa Twitter at Instagram sa @jonalyn_viray.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending