San Beda Red Lions, Letran Knights unahan sa 1-0 lead
Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. San Beda vs Arellano (jrs finals)
4 p.m. San Beda vs Letran (srs finals)
MAHALAGANG 1-0 bentahe ang paglalabanan ngayon ng San Beda at Letran sa pagsisimula ng 91st NCAA men’s basketball Finals sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tiyak na inspirado ang mga manlalaro ng magkabilang koponan dahil dadagsa ang kanilang mga panatiko matapos ideklara ng kanilang mga paaralan na suspindido ang klase para mapanood ang inaasahan na klasiko at maaksyong tagisan dakong alas-4 ng hapon.
Bago ito ay lalapit din ang San Beda Red Cubs sa pakay na ikapitong sunod na juniors title sa pagbangga sa Arellano Braves sa ganap na alas-2 ng hapon.
Winalis ng Red Cubs ang double-round elimination para magkaroon ng thrice-to-beat advantage sa Braves na umabot sa championship round matapos alpasan ang dalawang knockout matches sa step-ladder semifinals.
Pakay ng Red Lions ang makasaysayang ikaanim na sunod na kampeonato sa seniors division at napapaboran ang tropa ni rookie coach Jamike Jarin matapos manalo sa huling dalawang laro sa tatlong pagtutuos.
Ang mga graduating players na sina Arthur dela Cruz, Baser Amer at Ola Adeogun ang mangunguna sa laban pero hindi paaawat ang bench na siyang sinandalan sa 78-68 panalo sa Jose Rizal University sa Final Four.
Hindi naman nagkukumpiyansa si Jarin dahil nirerespeto niya ang kakayahan ng Knights sa pagmamando ng isa ring baguhan sa Letran na si Aldin Ayo.
“Coach Aldin has been doing a great job and their players also have championship experience. The team that plays with more energy will win,” wika ni Jarin.
Sina Mark Cruz, Kevin Racal at Rey Nambatac ang mga aasahan sa Knights ngunit malaking papel ang gagampanan nina McJour Luib, Rey Publico at mga rookies na sina Jomari Sollano at JP Calvo para lumapit ang koponan sa hangaring kampeonato na huling natikman noon pang 2005.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.