Mga Laro sa Martes
(The Arena)
4:15 p.m. Petron vs Meralco
6:15 p.m. Cignal vs Philip Gold
NAGPASIKLAB agad ang Cignal HD Lady Spikers nang pabagsakin ang nagdedepensang kampeon Petron Lady Blaze Spikers, 18-25, 17-25, 25-16, 25-18, 16-14 sa pagsisimula ng 2015 Philippine SuperLiga Grand Prix kahapon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Hindi natinag ang determinasyon ng HD Lady Spikers kahit natalo sa unang dalawang sets nang itinaas ng mga imports na sina Ariel Elizabeth Usher at Amanda Anderson bukod sa pagpapakitang-gilas ng tubong-Bacolod na si Fritz Joy Gallenero para sa upset na panalo.
“They are strong at more experienced that us but I believe in my players. Sinabi ko sa kanila na dapat mahaba ang patience nila at hindi nangangahulugan na nakuha nila ang dalawang sets ay tapos na ang laban. They must play as a team at mag-contribute,” wika ni Cignal coach Sammy Acaylar.
May 34 errors ang Cignal pero binawi nila ito sa kinuhang 64-50 bentahe sa attack points at si Usher ay may 29 kills bukod sa dalawang blocks tungo sa 31 puntos. Siya rin ang umako at apat na matitinding atake na nagbangon sa koponan mula sa 11-13 at 13-14 iskor sa ikalima at huling set.
Si Gallenero, na nanggaling sa La Salle-Bacolod, ay may 12 kills at 2 blocks din para sa 14 puntos at sila ni Usher ay mayroon pang siyam at walong digs para trangkuhan pa ang magandang depensa.
May 11 puntos si Amanda Anderson habang si April Ross Hingpit ay gumawa ng 26 excellent sets para sa tagumpay ng Cignal sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng TV5.
Si Dindin Manabat at Rachel Ann Daquis ay gumawa ng 16 at 14 puntos ngunit ang import na si Rupia Inck Furtado ay may 9 puntos lamang para matapos ang 15-game winning streak ng koponan, kasama ang 13-0 sweep sa All-Filipino Conference.
Nagpakawala ng 18 puntos ang balik-import na si Linda Stalzer para pangunahan ang Foton sa 25-23, 25-22, 25-16 tagumpay sa Meralco sa ikalawang laro.
Bago ito ay kinilala ni FIVB executive board member Stab Jacobi ang kahalagahan ng ginagawa ng PSL para tumaas ang kalidad ng volleyball sa kanyang pananalita sa pagbubukas ng liga.
“FIVB supports this kind of endeavor. I would like to see this occasion as a step to make your country an active contributor in improving the landscape of club volleyball in the region. I hope the players, coaches and the teams will continue to be inspired and inspire others to make our game grow,” wika ni Jacobi.
Si Binan Mayor Len Alonte ay nasa seremonya rin bukod kina PSL president Ramon “Tats” Suzara at chairman Philip Ella Juico habang sina PBA MVP Junemar Fajardo at Azkals player Philip Younghusband ay nakasama ng Petron at Meralco sa pagparada ng mga kasaling koponan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.