‘Felix Manalo’ ng INC mapapanood na sa mahigit 300 sinehan
Sanay na palang makatanggap ng award ang Iglesia Ni Cristo sa Guinness Book of Records.
May hawak na silang walong record at noong Linggo ng gabi ay muling nakatanggap ang INC ng dalawa pang Plaque of Certification buhat kina Guiness Book of Records representatives Marco Frigatti at Victoria Tweedey para sa Largest Attendance For A Film Screening at ang Guinness World Record for Largest Attendance For A Film Premiere para sa pelikulang “Felix Manalo” under Viva Films sa direksyon ni Joel Lamangan.
Ang mag-amang Viva bosses na sina Vic del Rosario at Vincent del Rosario ang tumanggap ng award bilang producers ng movie, kasama ang INC representatives na sina Ka Edwil Zabala, Bienvenido Santiago, Glicerio Santos, Jr. at Glicerio Santos III.
Ayon sa mga taga-Guinness umabot sa 43,624 katao ang dumalo sa world premiere ng “Felix Manalo” na ginanap sa Philippine Sports Arena na may kabuuang 55,000 seating capacity.
Hawak dati ng documentary film na “Honor Flight” ang titulong Guinness World Record for Largest Attendance For A Film Screening na may 28,442 attendees noong Agosto, 2012.
Ang pelikulang “The Chronicles of Narnia: Prince Caspian” naman ang may hawak ng Guinness World Record for Largest Attendance For A Film Premiere na u-mabot sa 10,000 ang dumalo sa premiere na ginanap sa 02 Arena, London, noong Hunyo, 2008.
Ayon naman sa mga bida ng pelikula na sina Dennis Trillo (as Felix Manalo) at Bela Padilla (bilang Ka Honorata Manalo), talagang na-shock at nanginig ang kanilang buong katawan nang pagpasok pa lang nila sa Philippine Arena ay malakas na palakpakan at sigawan na ang sumalubong sa kanila.
At mas lalo pa silang namangha nang makita ang libu-libong tao sa loob. Samantala, mapapanood na ang “Felix Manalo” simula ngayong araw sa mahigit 300 sinehan sa buong Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.