BAGAMAT humingi na ng paumanhin si Laguna Rep. Benjamin Agarao sa kontrobersiyang idinulot ng mga sexy dancers na bitbit sa kanyang kaarawan at sa pagtitipon ng Liberal Party (LP), hindi naman kumbinsido ang publiko na siya ang dapat umako sa pangyayari.
Natapat sa kaarawan ni Agarao ang nangyaring event ng LP kaya walang maniniwalang reregaluhan niya ang sarili ng mga sexy dancers para magsayaw.
Kung ang hangarin ni Agarao ay isalba ang reputasyon ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, hindi kaya mas malaki ang epekto nito sa kandidatura mismo ng pambato ng LP na si dating Interior Secretary Mar Roxas?
Itinanggi ni Tolentino na siya ang nagregalo ng Playgirls na nag-show sa kaarawan ni Agarao pero umamin siyang pinagsuot naman niya umano ng t-shirt ang tatlong nagsayaw.
Ang siste pa, kumalat sa Twitter ang litrato ng Playgirls na may suot ng t-shirt ng kanyang kapatid na si Tagaytay Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino.
Bukod sa hindi na nga kumbinsido ang marami sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia na pangalawa na sa mga tumatakbo sa pagkapangulo si Roxas, heto at mismong LP ang sumisira sa kanyang kampanya.
Marami na nga ang naniniwalang operasyon lamang ng LP pagpapalabas na tumataas na nga si Roxas sa survey, heto at sila-sila rin ang nagiging dahilan para maapektuhan ang pagbubuild-up kay Roxas.
Ilang beses na bang nangyari kay Roxas na kung kailan siya nagpapapogi ay duon naman may nangyayaring kapalpakan na siya rin ang may gawa, dahilan para lalong maapektuhan ang kanyang imahe sa masa?
Ang pagkakaiba lamang ngayon, mismong kapartido na niya ang sumisira sa ginagawa sanang istratehiya ng LP para mapabango ang kanyang pangalan.
At bagamat mismong si Pangulong Aquino na at maging si Roxas ang nagpahayag na hindi kinukunsinti ng LP ang ganitong maruming kampanya na ginagamit ang mga babae, matagal-tagal pa bago mawala sa isip ng publiko ang kapalpakang ginawa ni Tolentino.
Kung talagang gustong makabawi ng LP, dapat ay kastiguhin ng partido si Tolentino.
May nananawagan na ngang kapartido ng LP na sibakin na lamang si Tolentino sa listahan ng senatorial slate ng partido.
Kasasabi lamang ni Aquino na bago ang sarili, ikampanya muna ng mga kaalyado ng LP si Roxas pero sa nangyaring kontrobersiya, iba ang nangyayari.
Siyempre, ang natutuwa sa nangyari kay Roxas ay ang kalaban niya sa pagkapangulo.
Ika nga wala pang ginagawa ang kanyang mga kalaban, bawas puntos na agad ito kay Roxas.
Nag-uumpisa pa lamang ang kampanya at matagal-tagal pa ang kampanya at inaasahan nating marami pa tayong matutunghayan na mga kontrobersiya.
Magiging exciting talaga ang eleksyon natin sa 2016.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.