Krusyal na panalo puntirya ng Perpetual, JRU
Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. Perpetual Help vs San Sebastian
4 p.m. JRU vs Lyceum
Team Standings: San Beda (12-4); Letran (12-4); Perpetual (11-5); Arellano (10-6); Mapua (10-6); Jose Rizal (10-6); xSan Sebastian (5-11); xLyceum (4-12); xSt. Benilde (4-12); xEmilio Aguinaldo (2-14)
x – eliminated
MAHALAGANG panalo ang nais kunin ng University of Perpetual Help at Jose Rizal University sa pagpapatuloy ngayon ng 91st NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Katipan ng Altas ang San Sebastian College sa ganap na alas-2 ng hapon habang kalaro ng Heavy Bombers at Lyceum of the Philippines University dakong alas-4 ng hapon at kailangang manalo ang Perpetual Help at JRU para gumanda ang paghahabol ng puwesto sa Final Four.
Sa ngayon ay nasa ikatlong puwesto ang tropa ni Perpetual Help coach Aric del Rosario sa 11-5 karta habang ang bataan ni JRU coach Vergel Meneses ay mayroong 10-6 karta at kasalo ang mga pahingang Arellano University at Mapua Institute of Technology sa mahalagang ikaapat hanggang ikaanim na puwesto.
Talsik na ang mga Stags at Pirates ngunit hindi puwedeng magkumpiyansa ang mga katunggali dahil totodo rin ang mga ito para magkaroon ng magandang pamamaalam sa liga.
Nangibabaw ang Altas sa Stags, 84-70, sa unang tapatan at inaasahang sina Scottie Thompson at Bright Akhuetie ang mga magdadala uli sa koponan na magnanais ding bumangon mula sa 62-60 pagkatalo sa Heavy Bombers.
Sa kabilang banda, ang JRU ay mayroong apat na sunod na panalo at ang huling dalawa ay naiposte sa mga Final Four contenders na Letran College at Perpetual Help.
Ang JRU ay napapaboran na umabante pa dahil matapos ang Lyceum ay kalaro nila sa huling asignatura sa Oktubre 2 ay laban sa San Sebastian.
Isang bagay na ayaw mangyari ni Meneses sa kanilang mga manlalaro ay isipin na madaling asignatura ang mga susunod na katunggali at kailangang itaas pa ang kalidad laban sa Pirates na kinuha ang ikaapat na panalo sa Emilio Aguinaldo College, 59-45, sa huling laban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.