BI chief Mison, iba pang mga opisyal iniimbestigahan kaugnay ng Wang Bo bribe scandal
SINABI ni Justice Secretary Leila de Lima na iniimbestigahan na ang lahat ng mga opisyal ng Bureau of Immigration, kasama na si BI Chief Siegfred Mison kaugnay ng alegasyon ng panunuhol para ipatigil ang deportation ng Chinese fugitive na wanted sa kanyang bansa.
“All of the officials of BI whether part of the Board of Commissioners or not will be investigated,” sabi ni de Lima.
Itinanggi na ni Mison ang alegasyon na tumanggap siya ng suhol.
Wanted si Wang, 31, ng Interpol at ng gobyerno ng China dahil umano sa paglustay ng $100 milyon.
Nakatakda sanang pakawalan ng BI si Wang sa pagkakakulong, ngunit pinigilan ni de Lima ang kautusan na pinirmahan ng mga opisyal ng Immigration.
Nakakulong si Wang sa BI jail sa Taguig City mula nang siya ay maaresto noong Pebrero 10 sa Ninoy Aquino International Airport mula Malaysia. Humingi ng tulong ang Chinese Embassy sa BI para mahuli si Wang, sa pagsasabing wanted ito dahil sa illegal gambling. Kinansela na ang kanyang pasaporte.
Idinagdag pa ni de Lima na pinag-iisipan pa niya kung papayagan ang deportation ni Wang o hindi sa harap ng isinasagawang imbestigasyon.
“I’m still trying to determine if it would be wise to deport him given the allegations because if it’s true that Immigration officials received money, the source of the money would be the respondent himself,” dagdag ni de Lima.
Nauna nang napaulat na daan-daang milyong piso ang ibinigay ni Wang sa mga mambabatas para aprubahan ang Bangsamoro Basic Law.
“I myself would like to know what happened….I am inclined to create a team [to conduct the investigation],” giit ni de Lima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.