NASA bansa ang dalawang youth coaches ng Real Madrid para pangasiwaan ang Goooal! Football Clinic sa Maynila at San Carlos City, Negros Occidental.
Sina Daniel Landaburu at Mario Escuer ang ipinadala ng Real Madrid para magturo ng football sa kabataan.
Ang clinic na kasalukuyang ginagawa sa Rizal Memorial Football Field sa Malate, Maynila ay magtatapos sa Abril 24 habang ang sa sa SJR Football Field sa San Carlos City ay isasagawa mula Abril 27 hanggang Mayo 1.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na tumulong ang Real Madrid sa pagpapalaganap ng football sa bansa pero ang una ay nangyari noon pang 2013 sa Sta. Cruz, Davao del Sur.
“It’s our pleasure to be here to help improve the education of young football players in this country,” wika ni Luis Fernandez , CEO ng Real Madrid sa pulong pambalitaaan kahapon sa Orchids Garden.
Dumalo rin sa pagtitipon si Chaco Molina, executive director ng Fundacion Santiago na siyang organizer ng kaganapan at si PSC executive director Atty. Guillermo Iroy Jr.
“Nakasama ang PSC sa project na ito dahil tumawag ang Embahada ng Spain para sa programang ito. Sa pangunguna ni chairman Ricardo Garcia, ang Komisyon ay tutulong sa anumang pamamaraan para matiyak na magiging matagumpay ang project na ito,” wika ni Iroy.
Magkakaroon din ng coaching clinic at naisagawa na noong Abril 19 ang sa Metro Manila habang sa Mayo 2 isasagawa sa San Carlos City.
“Ang clinic ay bukas para sa mga batang 7 hanggang 18 years old at mismong mga Real Madrid youth coaches ang magtuturo sa kanila kaya masusulit ang kanilang pagdalo,” pahayag ni Molina.
Nasa 80 bata ang kasali sa Metro Manila habang tinatayang papalo sa 120 ang kasali sa San Carlos City. —Mike Lee
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.