TOTOO ba itong nabalitaan natin na napasugod ang mga anak ng isang mataas na opisyal sa espesyal na kulungan ng kanilang ama at muntik na nitong mabuko kung sino ang kanyang kasama sa loob ng selda?
Aba’y malakas ang bulung-bulungan na muntik nang magkaharap ang mga anak at ang maganda at bagets na “kakosa” nitong si Mr. Official isang madaling araw.
Hindi na bago ang pagiging macho nitong si Mr. Official dahil kilala naman na ito ay mahilig sa makikinis, magaganda at balingkinitang babae.
Kung tutuusin ay ordinaryong balita na lamang kapag may lumalabas na kuwento tungkol sa paggamit ni Mr. Official ng kanyang “espada” sa mga babaeng kasing edad ng kanyang mga anak.
Ang kuwento, pagdating daw ng mga anak nitong si Mr. Official ay nataranta pati ang mga guwardya.
Sino ba naman ang hindi matataranta, e alam nitong mayroong “kakosa” itong si Mr. Official sa loob ng kanyang selda?
Kaya naman hindi nila agad pinapasok ang mga anak sa loob at tinimbrehan na si Mr. Official.
Itinago ang bebot at sa ibang pintuan pinadaan kaya pagpasok ng mga anak sa loob ay malinis na. Wala ng ebidensyang inabutan at walang bakas na natagpuan.
Bukod sa mga guwardya na malabo namang kumanta, ang tanging saksi sa krimen ay ang mga closed circuit camera na nakatutok sa iba’t ibang lagusan sa kulungan.
Balita ko ay nire-review ang kuha ng CCTV at sana ay mayroong maglakas ng loob na magkuwento ng nangyari. Magtiyaga rin kaya ang misis nitong si Mr. Offiical na panoorin ang kuha ng CCTV?
Sana lang ay hindi pa nabubura ang laman o nawawala ang memory card nito. Sana hindi rin napalitan.
Mas okay din siguro kung may makapagbibigay ng kopya sa prosekusyon na gustong mailipat ang mga nasa PNP Custodial Center sa ordinaryong kulungan kung saan naroon ang mga matitigas na kriminal.
O baka naman hindi na kailangan ni misis ng CCTV dahil mayroon akong nabasa na inaaway na nito ang handler ng “kakosa” ng kanyang mister.
Itong si Mr. Official ay galing sa mayamang pamilya at guwapong angkan.
Pero masasabing mas sikat sa kanya ang kanyang erpat na kanyang iniidulo kaya siguro siya babaero bukod pa sa pagsunod sa pulitika.
Ang “handler” naman ay palagi na lang napapabalitang may kaaway.
Parang minaliit ni Vice President Jejomar Binay si Sen. Grace Poe nang sabihin nito na dapat ay bihasa at may karanasan sa pamamahala ang magiging pangulo.
Hindi daw dapat yung mag-aaral pa lang dahil maikli ang anim na taong termino ng Pangulo.
Maaaring totoo sabi ng isang tambay sa kanto na nag-aabang ng daraang pampasaherong jeepney para ipakita ang death certificate ng patay na kanyang ipinanlilimos.
Pero mas mahirap din umano kung may bahid na ang magiging presidente. Bakit?
Alam na kasi niya kung paano mapapaikutan ang mga batas para hindi mabuko ang ginagawa niyang katiwalian.
Iba naman ang tingin ng mga tahiran sa pulitika, sa pahayag ni Binay.
Baka raw kinakabahan na ito dahil kung ang rating niya ay bumaba at hindi na lumalayo sa lebel nito, umaakyat naman si Poe.
Kung hindi naman siya takot, e di tapatan niya sa halalan at hayaan na ang bayan ang magdesisyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.