Pokwang gusto pa ng 1 baby: Kaya pa ng matris ko!
GUSTO pang magkaroon ng isa pang anak ni Pokwang at kung magkakatuluyan nga sila ng kanyang American boyfriend ay siguradong “blue eyes” ang magiging baby niya.
Sa grand presscon ng bagong teleserye ng Dreamscape Entertainment na Nathaniel kung saan kasali nga si Pokey, sinabi nitong keri pa niyang magdalang-tao sa edad niya ngayon.
“Kaya pa naman ng matres ko, buo pa naman. Siyempre nangangarap pa din ako noon, hanggat kaya pa. Ang sarap kaya maging nanay, blessing ‘yon,” ani Pokwang. Dalaga na ang nag-iisang anak niyang si Ria Mae Subong.
Hirit pa ni Pokey, “Ako gusto ko pa. Sabi ko nga hanggang gumagana pa ang makina kasi kung wala, wiz na.” Kapansin-pansin naman sa aura ni Pokwang ang kaligayahan sa piling ng kanyang dyowang si Lee O’ Brien na naging leading man niya sa huling pelikula niyang “Edsa Woolworth”.
Wish nga ng mga taong nagmamahal kay Pokey, sana raw ay si Lee na nga ang lalaking hiniling niya sa Diyos para makumpleto na ang kanyang buhay.
Speaking of Nathaniel na pinagbibidahan nina Gerald Anderson, Shaina Magdayao at Marco Masa (gumaganap na Nathaniel), napanood na namin ang pilot week nito noong Linggo at tama ang sinabi ni Pokwang at ng iba pang members ng cast – ibabalik nito ang tiwala ng bawat Pinoy sa kabutihan ng tao.
Gabi-gabing ipaaalala ni Nathaniel sa viewers ang likas na kabutihan ng bawat isa sa atin, magsisimula na ito sa darating na Lunes. “Siguradong gagaan ang loob ng mga manonood sa kwento ng Nathaniel, lalo na sa panahon ngayon kung kailan maraming pinagdadaanang pagsubok ang mga Pilipino,” ani Gerald.
“Swak na swak para sa buong pamilya ang kwento ng Nathaniel dahil sa mga aral at inspirasyon na maibibigay nito hindi lang para sa mga kabataan, kundi para sa lahat ng tao,” sey naman ni Shaina.
Ang pinakabagong teleserye ng ABS-CBN ay iikot sa kwento ni Nathaniel (Marco), isang anghel na may misyong bumaba sa lupa para ibalik ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos at ipaalala ang likas na kabutihan ng puso ng bawat isa.
Paano magbabago ang pananaw ni Nathaniel sa mga tao sa oras na maranasan niya ang hirap, sakit, at kasamaan sa mundo? Ano ang kanyang gagawin upang mapatatag ang pananalig ng lahat sa Diyos?
Makakasama rin dito sina Isabelle Daza, Benjie Paras, Jayson Gainza, Ogie Diaz, Sharlene San Pedro, Jairus Aquino, Yesha Camile, David Chua, Young JV, Fourth at Fifth Pagotan, at Coney Reyes, sa direksyon nina Darnel Joy Villaflor at Francis Pasion.
Ang official soundtrack ng Nathaniel na “Lupa Man ay Langit na Rin” ay inawit ng King of Teleserye Themesongs na si Erik Santos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.