Buboy: Kung nangalakal ng bote si Pacman, ako naging basurero!
NAPAKASWERTE ng dating child star na si Buboy Villar dahil sa kanya ipinagkatiwala ni direk Paul Soriano at ng producers ng “Kid Kulafu” ang lead role sa movie bilang batang Manny Pacquiao.
Kaya naman talagang pinaghandaan ni Buboy ang pagganap bilang batang Pacman sa “Kid Kulafu”, todo ang training na ginawa niya para mabigyan ng hustisya ang kanyang napakaganda at super challenging role.
Inamin ng bagets sa presscon ng “Kid Kulafu” kamakailan na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na magbibida siya sa isang napakalaking pelikula kung saan tampok pa ang idol ng bayan pagdating sa boksing na si Manny.
“Kinabahan nga po ako nu’ng nalaman ko na ako ang napili sa Kid Kulafu, tapos si direk Paul pa ang magdidirek sa akin. Pero nu’ng nagsu-shooting na kami, mas na-excite ako dahil ang gaganda ng mga eksena namin. Ito na ang pinakamalaking proyektong nagawa ko kaya talagang pinagbutihan ko. Nag-research talaga ako, pinanood ko ‘yung mga laban niya. Pati ‘yung pagsasalita inaral ko talaga kahit Cebuano rin ako.
“Pero ang talagang focus ng training namin yung boksing. Mahirap din kasi kaliwete si idol Manny, kanan kasi ako, e. So,kailangan kong pag-aralan yung kumaliwete. Kaya ngayon hindi na ako marunong kumanan dahil nasanay na ako sa kaliwa,” kuwento ni Buboy na nakilala bilang sidekick ni Marian Rivera sa seryeng Darna ng GMA 7 noon.
Natanong din si Buboy kung paano siya naka-relate sa karkater niya bilang si Kid Kulafu at ano ang ang pagkakapareho nila ni Pacman?
“Malaki rin po ang pagkakatulad namin ni idol Pacman. Kasi si idol Manny, bago siya pa siya naging boksingero ay nangangalakal siya ng mga bote (ng Kulafu) at ako naman po naging basurero din ako noon sa Cebu. Isa pa yung family nila medyo magulo, di ba? Yung nanay at tatay ko naman nagkahiwalay din. Magkalapit lang ang naging buhay namin noong kabataan niya kaya nakaka-relate ako kay Kid Kulafu,” mahabang pahayag ni Buboy.
Hinding-hindi na makakalimutan ni Buboy habang siya’y nabubuhay ang makilala at makausap nang personal si Pacman,
“Habang ginagawa po ang pelikula nagkaroon ng chance na makilala ko po ng personal si idol Manny sa bahay nila sa Gen
San. Ipinakita po ni Direk Paul ang teaser ng movie na ginawa niya. Sabi po sa akin ni idol Manny na galingan ko raw at nagpasalamat siya.”
Sana raw ay maraming Pinoy ang makapanood ng “Kid Kulafu”, “Makikita po nila sa pelikula na hindi madali ang pinagdaanan ni idol Manny bago siya nakilala. Kapupulutan po ito ng inspirasyon sa mga makakapanood.”
Showing na sa April 15 ang “Kid Kulafu” nationwide kung saan makakasama rin sina Alessandra de Rossi bilang si Mommy Dionesia Pacquiao, Alex Medina bilang tatay ni Buboy, Igi Boy Flores, Khalil Ramos at Cesar Montano. Ito’y mula sa produksiyon ng Star Cinema at Ten17 Productions.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.