Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
2:30 p.m. Philips Gold vs Shopinas
4:30 p.m. Mane ‘N Tail vs Cignal
Team Standings: Petron (2-0); Shopinas (1-0); Foton (1-1); Mane ‘N Tail (0-1); Philips Gold (0-1); Cignal (0-1)
MAGTATANGKA ang Shopinas na sumosyo sa liderato sa 2015 Philippine SuperLiga All-Filipino Conference sa pagharap sa Philips Gold ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-2:30 ng hapon magaganap ang labanan at nais ng Lady Clickers na sundan ang 25-22, 25-22, 16-25, 25-14 panalo laban sa Mane ‘N Tail sa unang laro sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.
Tulad sa naunang laro ay mapapalaban uli ang Lady Clickers dahil nais ng Lady Slammers na makabangon matapos ang 16-25, 18-25, 23-25 pagkatalo sa Petron na nagsosolo sa unahan sa anim na koponang liga sa 2-0 baraha.
Mataas ang ekspektasyon sa Philips Gold dahil nakuha nila si Fil-Am setter Iris Tolenada bukod pa sa mga mahuhusay na spikers na sina Michelle Gumabao at Melissa Gohing.
Tampok pang atensyon ang ipupukol kina Gumabao at Gohing na makakaharap ang mga dating kasamahan sa La Salle na sina Stephanie Mercado, Cha Cruz at ang dating mentor na si Ramil de Jesus.
Unahan sa paghablot ng unang panalo ang nakataya sa pagitan ng Cignal HD Lady Spikers at Mane ‘N Tail dakong alas-4:30 ng hapon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.