100 OFW nagprotesta sa Kuwait | Bandera

100 OFW nagprotesta sa Kuwait

Susan K - March 18, 2015 - 03:00 AM

ANG Pilipino saan man sa mundo, kikibo at ki-kibo kapag tinatapakan na!

Aabot sa 100 Pilipino na kabilang sa 200 mga manggagawa sa Kuwait ang kasalukuyang nagpoprotesta ngayon dahil sa hindi pagtupad ng kanilang mga employer sa kontratang napagkasunduan.

Unang-una na, ang pinakamahalaga sa lahat, ang kanilang mga suweldo na dapat ibinibigay sa takdang panahon.

Ngunit maraming mga buwan na umano nilang hinihintay ang sahod na pinaka-aasam-asam ngunit walang dumarating.

Tuloy ay napilitan silang mag-aklas.

Labis na sila umanong nasasaktan kung kaya’t umaray na nga ang marami nating mga OFW sa Kuwait.

Tinawag nilang “chicken feet” protest

iyon. Dahil literal na nanghihingi na lamang sila ng chicken feet
upang may makain sa araw-araw habang hinihintay ang kabayaran ng kanilang pinagtrabahuhan.

Alam naman nating lahat na inaasahan ng kanilang mga kapamilya sa Pilipinas ang suweldong ipinadadala ng ating mga OFW. Ang katotohanan pa nga, hindi pa man ito dumarating, naipangako na o di kaya’y naipangutang na ito ng mga kamag-anak na walang ibang inaasahan kundi ang mga padalang iyon.

Sa kabilang banda, kung kakayanin pa ring magtiis, gagawin at gagawin pa rin iyon ng ating mga kababayan.

Iyan ang maaasahan din naman sa ating mga kababayang OFW. Pipiliin nilang magtiis, mag-hintay kung kailan sila paswelduhin hanggat’ kaya pa, basta may trabaho pa rin umano sila at may maaasahan pa ring tatanggapin gayong natatagalan lamang.

Magbibilin na lamang ang mga ito sa kanilang mga kapamilya sa Pilipinas na mangutang na lamang at sigurado namang mababayaran nila iyon.

Ang mga inuutangan naman, mas mataas ang tiwala sa mga kababayang OFW. Alam nilang may kakayahan silang magbayad kaya hindi rin ganoon kahirap ipangutang ang mga suweldong hindi pa natatanggap, at puwedeng-puwede naman kasing pangako iyon. Ngunit kapag hindi na makatiis at sobra na, saka na lamang sila kikibo.

Matapos mapaulat sa Kuwait Times ang kalagayang ito ng ating mga kababayan, kaagad namang dumating sa kanila ang tulong ng mga kapwa OFW.

Iyan din naman ang maipagkakapuri natin sa mga Pilipino kapag nasa ibayong dagat na. Malakas pa rin at ramdam ang espiritu ng bayanihan.

Obserbasyon nga ng marami, mas madaling tumulong sa kapwa Pinoy kapag nasa abroad. Dahil para sa kanila, sino pa ba ang magtutulungan at magkakampihan kundi ang magkaka-lahi?

Kahit bawal magsagawa ng mga kilos protesta sa Kuwait, lakas-loob itong ginawa ng mga OFW kasama ng iba pang lahi.

Hindi na rin naman nila alintana ang posibilidad na maaari silang makulong ngunit tanging ipinaglalaban na lamang nila ang karapatang para sa kanila at pinaghirapan naman nilang talaga.

Ayon kay Labor Attache’ Cesar Chavez ng Philippine Overseas Labor Office sa Kuwait, ginagawa nila ang lahat upang matapos kaagad ang problemang ito ng ating mga kababayan at ayon naman sa kinatawan ng kanilang kumpanya, handa naman silang makipagtulungan at tuparin ang obligasyon sa kanilang mga manggagawa.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Aasahan din natin na sana nga mabilis na maresolba ang problemang ito ng ating mga OFW sa Kuwait upang matapos na rin ang paghihirap ng mga kapamilya nila sa Pilipinas.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending