Nagpapalusot na naman ang Malacañang | Bandera

Nagpapalusot na naman ang Malacañang

Jake Maderazo - March 16, 2015 - 03:00 AM

KUNG paniniwalaan ang sinasabi ngayon ng Malacanang, hindi raw si Pangulong Aquino ang commander in chief sa PNP chain of command.
Sa halip, ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, si PNoy ay “Chief Executive” ng PNP na “civilian in character” gaya ng ibang ahensiya ng gobyerno.
Ang “chain of command” daw ay sa AFP lamang, bagay na agad namang inayunan ni Justice Sec. Leila de Lima batay sa isang Supreme court decision noong 1992.

Dahil sa palusot na ito ng Palasyo, lumalabas na mali raw ang report ng PNP Board of Inquiry, na may nilabag si PNoy hinggil sa Operation Exodus.
Iginiit pa ni Lacierda na inutusan ni PNoy si suspended PNP Chief Gen. Alan Purisima na sabihan si PNP OIC Gen. Espina tungkol sa naturang operasyon pero hindi nito ginawa.
Ang ganitong punto legal ng Malacanang sa civilian PNP ay lumalatay ngayon sa buong liderato ng buong pulisya lalo pa’t akala ng lahat na pareho sila ng AFP. Bukod dito, ang “military character” ng PNP ay nakita sa pagtiwalag ng suporta nito noong EDSA DOS noong 2001 kay dating Pangulong Erap Estrada. Isang pangyayaring lalong nagpatingkad sa “chain of command” ng PNP na dinadala nila hanggang ngayon.

Kung susuriin, nakagulo ang pananaw na ito ng Malakanyang sa “military-mindset” ng PNP. Kung walang command at control sa hanay nito, paano gagalaw ang mga pulis?
Ayon sa BOI report, si PNoy bilang commander-in-chief ang nag-utos kay Purisima na mamahala sa Operation Exodus. Bakit binalewala niya ang kalakarang “chain of command” at ibinigay ito sa kaibigan niya na suspendido pa ng Ombudsman? At dahil nalagas ang PNP-SAF 44 sa naturang operasyon,ay biglang sasabihing wala raw “chain of command” sa PNP noon pang 1992 at ok lang utusan si Purisima at hindi ang “chain of command.”

Simple lang ang tanong: Bakit ibinigay ni PNoy sa suspendidong kaibigang PNP Chief ang pamamahala sa napakalaking police operation at hindi ipinaalam sa OIC ng PNP na si Espina at maging kay Interior Secretary Mar Roxas? Mas importante ba ang kaibigan kaysa “chain of command?”
***
Bagamat kulang at marami pang kwestyon sa report ng BOI tungkol sa Mamasapano incident, masasabing matapang na rin ito lalo pa’t hindi nangiming tukuyin nito si PNoy na isa sa may ginawang paglabag.

Bakit ko sinabing kulang kulang at marami pa ring kwestyon ang report?
Una, inamin nilang hindi nila nainterbyu sina PNoy, Purisima at mga opisyal ng AFP gaya ni General Catapang; wala rin ang inaabangan nating palitan ng text messages ng mga pangunahing tauhan sa kontrobersya noong araw ng Enero 25. Ikalawa, ang kanilang findings ay alam na ng publiko. Walang bago.
Ikatlo, hindi naipaliwanag kung bakit walang reinforcements na dumating at tinawag na lang na “failure in communications” ang mga units ng PNP at AFP.
Ika-apat, bakit hindi isinama sa kung bakit nasa Zamboanga city si PNoy nang mangyari ang Mamasapano incident? Nagkataon lang ba ang naganap na pagsabog doon na dalawa ang namatay at kailangan pang personal napuntahan ng pangulo at ng mga security officials?
Ikalima, bakit tinawag nilang “intelligence sharing” at “medical evacuation” lamang ang partisipasyon ng mga Amerikano gayong naroon sila sa Tactical command center ng PNP SAF habang nagaganap ang paglusob at panay ang paglipad ng mga “drone”? Nasaan na ang mga “drone” nang pinapatay na ang mga PNP-SAF 44?
Bakit hindi hiningi ang video ng mga “drone” sa naturang insidente? Ano na ang nangyari sa DNA certification at ang kwento sa $5 milyong reward money para sa pagkakapatay sa international terrorist na si Marwan.
Napakaraming tanong ang hindi nasagot ng BOI. Sinadya ba ito at bahagi ng cover-up? Nagtatanong lang.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending