SA dulo ng elims ng nakaraang 2014-15 PBA D-League Aspirants’ Cup ay sinimulan na ng Racal Motors ang paghahanda para sa ikalawang conference, ang Foundation Cup.
Sa huling dalawang games nila ay naidagdag nila sa lineup sina Mark Romero ng St. Benilde at Keith Agovida ng Arellano University.
Magandang materyales ang dalawang ito.
Alam naman natin na si Romero ay isa sa mga main men ng Blazers sa NCAA. Si Agovida naman ay dating matinding kamador ng juniors sa Arellano kung saan minsan ay nagtala siya ng 80 puntos bago siya pumanhik sa seniors.
So, doon pa lang ay kita mo nang naglalagay na ng kakailanganing materyales para sa susunod na conference si Racal Motors coach Caloy Garcia.
Hindi naman kasi si Garcia ang bumuo ng Racal Motors, e.
Minana lang niya ang koponan buhat kay coach Jinino Manansala (anak ni dating PBA Rookie of the Year Jimmy Manansala).
Ang Racal Motors ay nagsimula bilang school-based team. Ang nucleus ng St. Claire College ang siyang bumuo sa Racal Motors.
Pero hindi kasi naka-take off nang maayos ang Racal Motors at natalo sa unang tatlong games. Nagdesisyon ang management na palitan si Manansala at kunin si Garcia bilang head coach.
Pero, Garcia can only do so much kasi hindi naman siya ang bumuo sa team.
Bale tatlong games lang ang naipanalo ng Racal Motors sa una nitong sabak sa PBA D-League.
Papasok sa ikalawang conference nito bilang miyembro ng D-League ay kumuha ng mga manlalarong puwedeng makatulong nang malaki sa team si Garcia.
Idinagdag niya sa koponan sina Jiovani Jalalon, Jessie Saitanan, Jeff Viernes, John Amboludio at Roberto Bartolo.
Makakasama nila sina Jamil Gabawan, Jayson Ibay, Marte Gil, Michael DiGregorio, Vaughn Canta, Raymond Jamito, Reneford Ruaya at Agovida.
Nagpalit din ng pangalan ang Racal Motors na ngayon ay makikilala na bilang KeraMix Mixers. Mga tiles naman at pandikit sa tiles ang ipo-promote ng kumpanya.
Ang siste’y isang linggo bago magsimula ang Foundation Cup ay nawala sa poder ng KeraMix si Romero. Nagdesisyon itong pumirma ng kontrata sa Hapee Toothpaste na siyang nagkampeon sa nakaraang Aspirants’ Cup.
“Malaking bagay si Romero kasi matangkad at mahusay na shooter siya. Pero wala tayong magagawa dahil sa desisyon niya na lumipat. Hindi na natin siya pinigilan,” ani Garcia.
Idagdag pa rito ang pangyayaring nagtamo ng sprained ankle ang 6-foot-5 na si Bartolo at hindi makapaglalaro sa unang bahagi ng torneo.
“I guess we just have to make do with what we have at the moment. Pero mas malakas ang team ngayon at tiyak na mas magandang laban ang maibibigay namin,” ani Garcia na susuportahan ng mga assistants na sina Gerard Francisco, Michael Buendia at Ricky Umayam. Ang team manager ng KeraMix ay si Nick Caparida.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.