Kean Cipriano mukhang mabaho, minura ng mga nanood ng ‘English Only Please’
In fairness, humahataw ngayon ang “English Only Please” nina Derek Ramsay at Jennylyn Mercado, naging dalawa ang scheduled screening (5:40 at 8:05 p.m.) nito sa Gateway Cineplex noong Linggo ng gabi at soldout pareho.
Pumila kami ng 6 p.m. pero pang-10:30 na ang nakuha naming ticket. Plano sana naming lumipat ng Eastwood City dahil may 7:50 p.m. screening doon, pero may nag-text sa amin na soldout na rin daw ito, pati na rin sa Edsa Shangri-La Cineplex.
At habang tinitipa namin ang balitang ito ay nakatanggap kami ng mensahe na soldout na rin ang lahat ng screening sa Greenbelt cinema hanggang last full show.
Malaking tulong ang paghakot ng maraming awards sa paghataw sa takilya ngayon ng “English Only Please” sa nakaraang 40th Metro Manila Film Festival awards night dahil na-curious ang mga tao kung bakit naging best actress si Jennylyn at best actor naman si Derek bukod pa sa nanalong best story, best screenplay, best director, pati na ang 2nd Best Picture award.
Siyempre, isa kami sa mga na-curious at the same time gusto talaga naming mapanood ang pelikula dahil sa trailer pa lang ay natatawa na kami.
Nairita naman kami habang nanonood kami sa Gateway cinema 9 dahil sa mga katabi namin na panay ang mura kay Kean Cipriano na ang role sa pelikula ay dyowa ni Jennylyn.
Mukha raw kasing mabaho ang singer-actor bukod pa raw sa naiirita sila sa mga tattoo nito. Plano sana namin silang sitahin pero pinigilan kami ng kasama namin dahil may karapatan naman daw maglabas ng saloobin ang mga ito base sa napapanood nilang mga eksena.
May katwiran din naman kaso kung nakakaistorbo na sila sa ibang mga nanonood ay may karapatan din kaming sawayin sila, di ba bossing Ervin? (Tomohhhh! Naku kung ako lang ang kasama mo Reggs, baka sila ang namura ko! At baka ipadampot ko pa sila sa mga guard! Ha-hahaha! – Ed)
Sayang at wala si Kean sa loob ng sinehan, e, di sana narinig niya ang mga negatibong komento sa kanya ng mga tao. Pero in fairness walang ka-effort-effort ang acting ni Kean.
Tanong nga ng isang kakilala namin, ganu’n kaya talaga sa tunay na buhay ang singer? Naaliw naman kami sa “English Only Please” dahil hindi hard sell at hindi rin nakakainip kaya siguro ito humakot ng awards.
Sakto lang ang acting nina Derek at Jennylyn hindi OA kaya siguro sila rin ang nagwaging best actor at best actress. Romantic-comedy ang tema ng “English Only Please”, pero parang kinulang kami sa kilig? O, dahil iba ang point of view ng lalaking direktor in terms of kilig-kiligan kung ikukumpara sa mga babaeng direktor tulad nina Cathy Garcia-Molina at Mae Cruz.
Anyway, iisa ang napansin ng lahat ng nanood sa pelikula, blooming daw si Jennylyn maski na walang boyfriend sa kasalukuyan. Si Derek kaya napansin din ang ganda at kaseksihan ni Jen sa pelikula?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.