NAPAKARAMING estilo ng tao ngayon para makapanloko lamang.
Pero sa kabila nang paalala ng ating gobyerno, partikular na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na naglipana ang mga illegal recruiter sa internet, ay kung bakit patuloy pa ring umaakyat ang bilang ng mga naloloko at nabibiktima ng mga halang na kaluluwang ito.
Marami pa rin ang nabibiktima nang samut saring scam.
Gaya nitong kasong ito na ating topic ngayon.
Muntik na si Bernard Floresca na mabiktima nang mga buwitre sa internet.
Mabuti na lamang at nagtanong si Bernard hinggil sa kaniyang application na ipinadala sa isang airline company.
Pag-amin niya sa amin na nagpadala na nga siya ng kanyang resumé at sumagot naman daw ito. Detalyado rin ang kontratang ipinadala sa kanya sa pamamagitan ng email na mula umano sa United Kingdom. Hindi naman daw siya sa UK nag-apply at katunayan, ang layo nito sa lugar na kanyang pinag-aplayan.
Noong una, paniwalang-paniwala siya na talagang interesado nga sa kaniya ang naturang airline company.
Ngunit ang malaking ipinagtaka niya ay kung bakit nakatanggap din ng parehong kontrata ang kaniyang kaibigan kahit hindi naman ito nag-aaplay at wala man lamang ‘anyang qualification para sa naturang kumpanya.
Sa puntong ito nakipag-ugnayan si Bernard sa Bantay OCW. Ipinadala niya ang kopya ng sinasabing kontrata at ang tinutukoy na airline ay naka-base sa ibang bansa at hindi sa UK. May abiso naman kay Bernard na lahat ng kontrata para sa kanilang manggagawa ay kinakailangang iproseso sa UK.
Ngunit bago pa busisiin ng Bantay OCW ang naturang kontrata, isang email muna pala ang natanggap ni Bernard na humingi ng kaniyang mga personal na impormas-yon mula sa kaniyang buong pangalan, passport number, contact address, telepono, nationality, date of birth, kung saan siya kasalukuyang nagtatrabaho, posisyon doon, suweldo at kung magkano naman ang inaasahan niyang sasahurin kung sakaling matanggap ang kaniyang application.
Buong tiwala namang ibinigay ni Bernard ang lahat ng mga impormas-yong hiningi sa kaniya at sinundan na nang naturang kontrata.
May instruksiyon pa ito kay Bernard na agad makipag-ugnayan sa UK Border Agency Office nito upang makakuha ng kaniyang Expatriate Clearance Certificate. Paulit-ulit na binabanggit sa kontrata na sagot ng kumpanya ang lahat ng gagastusin nito maliban sa kaniyang Employee Maintenance Fund o EMF na magpapatunay ‘anya ng kaniyang kakayahang pinansiyal o financial capability.
Bakit kailangan ang EMF? Kaya nga nag-aaplay ng trabaho ang ating mga OFW upang kumita ng pera. Kadalasan pa nga, baon’ na ang mga ito sa utang bago pa makaalis ng bansa. Kaya nga naman anong pinansiyal na kakayahan mayroon sila?
Isa pa limang araw lamang ‘anya ang ibinibigay nilang palugit kay Bernard at ibibigay na ang trabahong iniaalok sa ibang aplikante kung hindi niya iyon magagawa sa lalong madaling panahon.
Matapos matanggap iyon, sinundan na ng approval of contract ang ipinadala kay Bernard. Nagmamadali nga! Dahil January 10, 2015 daw ang simula ng kaniyang trabaho at maaari siyang umuwi ng dalawang beses kada taon. Pinagmamadali nga naman nila si Bernard na magdesisyon agad-agad at baka mapunta pa sa iba ang job offer na iyon.
Ngunit sa bandang huli, kinakailangan na ‘anyang magpadala siya ng security deposit para masigurong sa kaniya nga mapupunta ang trabaho. Tanging payo ng Bantay OCW kay Bernard, huwag patulan ang naturang application at tiyak lamang na magiging biktima siya ng mga iyon kung magpapatuloy siyang makipag-ugnayan sa kanila.
Para huwag maloko, makipag-ugnayan sa POEA. Makipag-transaksyon lamang sa lisensiyadong mga ahensiya, may job order at katumbas lamang ng isang buwang sasahurin ang placement fee. At kapalit noon, kontrata at resibo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.