Na-off the air na programa dahil kay Binay
NAPILITANG mag-off the air pansamantala simula kahapon ang popular na commentary programa na “Karambola” sa DWIZ dahil kay Vice President Jojo Binay.
Isinara ang programa dahil inimbita ni Binay ang kanyang sarili na maging isa sa mga hosts ng programa na tumatalakay sa maiinit na isyu.
Inimbita ng apat na hosts ng Karambola—sina Joel Paredes, Cely Bueno, Thelma Dumpit at Jonathan dela Cruz—ang Bise Presidente upang magbigay ng kanyang panig sa mga kontrobersiya na kinasasangkutan niya.
Si Binay ay pinararatangan na nagnakaw ng pera ng bayan at nagkaroon ng mamahaling ari-arian gaya ng 300 ektaryang bukirin sa Batangas, mga condominium sa Makati noong siya’y mayor pa ng lungsod.
Dumalo si Binay noong Miyerkules.
Noong Biyernes, dumating si Binay kasama ang kanyang anak na si Makati Mayor Junjun sa programa na ipinagtaka ng mga hosts dahil di na nila ito inimbita.
Walang naglakas-loob na sabihin sa mag-ama na hindi sila imbitado sa programa.
Sa programa, pinasalamatan ni Binay ang tatlong hosts na sina Bueno, Paredes at Dela Cruz (absent noon si Dumpit) dahil sa “imbi-tasyon” nila sa kanya na maging regular na commentator sa programa.
Sumabat naman si Mayor Junjun at sinabing gusto rin niyang maging regular na host, pero sinabi ng Bise Presidente sa kanya na huwag na dahil baka maging isyu na naman daw ang “dynasty” sa radyo.
Si Binay at ang kanyang anak ay papasok na naman sana sa programa, pero ito’y off-the-air at ibang programa ang ipinalit.
Napag-alaman ng in-yong lingkod na magbakasyon muna ang mga hosts ng Karambola upang huwag magkahiyaan.
Ibabalik daw ang
programa sa Enero 5, 2015, pero wala pa itong katiyakan.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na na-off the air ang Karambola mula ng ito’y nagsimula noong 2005.
Pasubo itong si Binay.
Dapat may magsabi sa mga Binay na ang pag-guest sa isang talk show ay parang pagdalo sa isang party—by invitation only.
Baka nasanay ang mga Binay na pumupunta sa lamay ng mahihirap kahit hindi naman sila imbitado.
Siyempre sa mga mahihirap, malaking karangalan ang maging panauhin ng alkalde ng lungsod at kanyang mga alipores.
Pero ang commentary program na gaya ng Karambola ay hindi isang lamay; walang patay na bibisatahin at walang kamag-anak na pakikiramayan.
Ang pag-gate crash sa isang private party or invitation-only affair ay di ginagawa ng mga tao sa disenteng lipunan.
Isa pa, sa disenteng lipunan bawal ang magnakaw sa kaban ng bayan.
***
Nakidalamhati tayo sa mga kamag-anak ni Carlito Lana, isang overseas contract worker na pinugutan ng ulo sa Saudi dahil sa pagpaslang sa kanyang amo na 65 taong gulang.
Pero OA (over-acting) naman ang sabihin ng gobiyerno na nakakalungkot ang pagkakamatay ni Lana.
Ang isang mamamatay-tao ay isang mamamatay-tao at dapat hindi kaawaan sa kanyang ginawang kasalanan.
Walang awang pinatay ni Lana si Nasser al Ghatani, na sinasabi ng Philippine Embassy sa Riyadh na isang napakabuting tao.
Matapos niyang barilin si Ghatani, sinagasaan pa raw ni Lana ang kawawang amo niya ng sarili nitong kotse.
Loko-loko lang o kamag-anak ni Lana ang kaawaan siya.
***
Nagbitiw ng statement si Binay, presidential adviser on overseas Fililpinos, tungkol sa pagkamatay ni Lana.
Nagpakita ng pagkairita si Binay dahil hindi siya naimpormahan.
“I am the presidential adviser on overseas Filipino workers’ concern and yet I was not even informed about the execution,” sabi ni Binay sa mga reporters.
Mr. Vice President, maaaring malaking tao ka rito sa bansa, pero sa Saudi hindi ka kilala.
Sa Saudi Arabia, ang Pilipinas ay itinuturing na pinanggagalingan ng mga alipin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.