Ex-Dabarkads ng Eat Bulaga umuwing luhaan sa Miss World 2014 Pageant
TALUNAN ang bet ng Pilipinas sa Miss World 2014 na si Valerie Weigmann na ginanap sa International Convention Center (ICC) sa ExCeL Exhibition Centre, sa London, England.
Bagamat nakapasok sa top 25 quarterfinalists, hindi na nakuha si Valerie sa top 11 semifinalists. Ganyunman, pinuri pa rin ng ating mga kababayan ang dating Dabarkads ng Eat Bulaga dahil sa kanyang ipinakitang katatagan at kababaan ng loob.
At dahil nga sa pagkatalo ni Valerie sa nasabing international beaty pageant, hindi natupad ang pinakaaasam ng maraming Pinoy na magkaroon ng back-to-back win ang bansa sa Miss World.
Noong nakaraang taon, ang aktres na si Megan Young ang kinoronahang Miss World, siya ang kauna-unahang Pinay na nanalo sa nasabing beauty contest.
This year, ang kandidata ng bansang South Africa na si Rolene Strauss, 22, ang nanalong Miss World 2014 habang Si Miss Hungary Edina Kulcsar, 23, ang kinoronahang First Princess at si Miss USA Elizabeth Safrit, 22, ang Second Princess.
Pumasok naman sa top 5 ng Miss World sina Miss Australia Courtney Thorpe at Miss England Carina Tyrrell habang sa Top 10 semifinalists naman pumasok sina Miss Mexico Daniela Alvarez, Miss Kenya Ida Nguma, Miss Brazil Julia Gama, Miss Guyana Rafieya Husain at Miss India Koyal Rana.
Si Megan Young din ang nagsilbing host ng Miss World 2014 kasama ang Welsh actor at TV host na si Tim Vincent.
Samantala, habang ginaganap ang kumpetisyon, kitang-kita ang napakalakas na palakpakan at hiyawan habang rumarampa ang ating Pinay bet kaya talagang umasa ang ating mga kababayan na malakas ang laban ni Valerie.
Sa mga ipinamigay na special awards, si Miss USA Elizabeth Safrit ang nakakuha ng Multimedia award habang si Miss Bosnia & Herzegovina Isidora Borovcanin ang Top Model winner.
Si Miss Sweden Olivia Asplund naman ang nakakuha ng Beach Fashion award. Para naman sa talent competition, nagkaroon ng sing-off sa pagitan nina Miss Malaysia Dewi Liana Sereistha at Miss Scotland Ellie McKeating, ngunit sa huli, si Miss Malaysia ang nagwagi sa laban.
Ang mga nanalo naman sa sa Beauty With A Purpose award ay ang mga kandidata mula sa India, Kenya, Brazil, Indonesia at Guyana. Wagi naman si Miss Thailand Nonthawan Thongleng ng People’s Choice award kaya automatic siyang napasama sa semifinals kahit hindi siya napili bilang quarterfinalists.
Naging emosyonala naman si Megan habang ipinapasa ang kanyang korona kay Miss South Africa. Nagpapasalamat siya sa lahat ng mga sumuporta at nakasama niya sa kanyang isang taong pagrereyna bilang Miss World.
“I’m really so moved by this wonderful goodbye. Salamat po,” ani Megan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.