NAKAKATUWA namang makita ang napakalaking pagbabago sa buhay ng dating award-winning child actor na si Jiro Manio.
Kahapon dumalo sa kanyang graduation (high school) si Jiro sa Rizal Experimental Station and Pilot School of Cottages Industries sa Pasig City.
In fairness, nakatanggap din ng special award ang batang ama bilang Most Inspiring Student.
Kasabay nito, nakalabas na rin ng drug rehabilitation center (Home Care) si Jiro matapos ang isang taon.
Nauna nang inamin ng batang aktor na talagang nalulong siya sa ipinagbabawal na gamot kung kaya napabayaan niya ang kanyang career at personal na buhay.
Natakot daw siyang mawala sa kanya ang kanyang tatlong gulang na anak kaya nagdesisyon siyang pumasok sa rehab.
Huli nating napanood si Jiro sa teleserye ng GMA 7 na Little Star. Tinanggal siyang bigla sa programa dahil hindi na siya dumarating sa mga taping.
Ito na pala yung panahong nagugumon na siya sa droga.
Nangako naman si Jiro na ipagpapatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa college at nais daw niyang kumuha ng Culinary Arts.
Gusto rin daw niyang maging piloto kung mabibigyan ng pagkakataon.
At siyempre, hindi pa rin daw nakakalimutan ni Jiro ang showbiz, sana raw ay may magtiwala uli sa kanya dahil miss na miss na raw niya ang pag-arte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.