Palpak na pag-epal ni Roxas | Bandera

Palpak na pag-epal ni Roxas

Bella Cariaso - November 09, 2014 - 03:00 AM

MULI na namang nakatikim ng banat sa mga netizen si Interior Secretary Mar Roxas.

Paano ba naman nagpose sa isang magazine kung saan makikita siyang nakangiti habang nakaupo sa mga kahoy habang nasa ibabaw ng isang cargo truck.

Mababasa sa caption ng litrato ni Roxas ang: “Hello from Tacloban… One year later.”

Kinuha ang nakangiting Roxas noong Nobyembre 21, 2013 Tacloban City Port o ilang araw pagkatapos manalasa ng super typhoon Yolanda noong Nobyembre 8, 2013.

Siyempre nakatikim na naman si Roxas ng mga batikos mula sa mga netizen sa pagsasabing pagpapakita ito ng pagiging insensitive sa mga biktima ni Yolanda. Tingin kasi nila nangangampanya na si Roxas at ginamit pa ang mga mamamayan ng Tacloban, partikular na ang mga survivor ng bagyo.

Negatibo na nga ang reaksyon ng publiko dahil inisnab ni Pangulong Noynoy ang mga taga-Tacloban sa unang anibersaryo ng pananalasa ni Yolanda at pinili na magtungo na lang sa Guiuan, Eastern Samar bumisita, nadagdagan pa ito dahil sa insensitive at insulting daw na photo ni Roxas.

Alam naman nating bugbog sa batikos ang pamahalaan dahil sa hindi kasiya-siyang serbisyo na ibinigay para sa mga biktima ng bagyo, nakuha pa nilang tikisin ang mga Taclobanon, tapos umekstra pa itong si Roxas.

Hindi bat naging kontrobersiyal na dati si Roxas matapos ang alegasyon sa kanya ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez na pinupulitika ang pamimigay ng tulong para sa mga Taclobanon.

Sa mga nakalipas na mga buwan, mismong ang kampo ni Roxas ang gumagawa ng dahilan para kainisian ng publiko at maging nega sa tao. Imbes kasi na mapaangat ang sadsad na rating ni Roxas, sarili rin niya ang dahilan kung bakit siya nagiging negatibo sa publiko.

Hindi tuloy nawawala ang impresyon sa kanya na ngayon pa lamang ay nangangampanya na, bagamat hindi nakakatulong ang palpak na pagpapapogi niya. Sa harap ng masamang kalagayan ng mga biktima ng bagyong Yolanda, nagagawa pa ng kampo ni Roxas na magpapogi gamit ang Tacloban.

Hindi pakitang tao ang kailangan ng ating mga kababayan kundi ang sinseridad para magserbisyo at tumulong na makabangon muli sila. Naiinip na nga ang mga biktima ni Yolanda sa mabagal na pag-aakyon ng ating pamahalaan, malalaman pa nila na nagagamit sila para sa 2016 presidential elections.

Mismong mga tao ang makakapansin ng serbisyong ipinapakita ng isang pulitiko na magiging basehan kung susuportahan o hindi sa nalalapit na eleksyon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sa dami ng kontrobersiyang kinakaharap ngayon nang sinasabing magiging mortal na kalaban ni Roxas sa 2016, hindi pa rin niya ito mauungusan sa mga survey dahil siya mismo ang humihila sa sarili niya pababa.
Hindi rin nawawala ang impresyon sa kanya ng masa ng pagiging isang elitista kayat nagmumukha pilit ang kanyang pagpapakita ng pagtulong.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending