KUNG walang minimina, walang langis, walang gasolina, walang krudo, walang liquefied petroleum gas.
Ang mga ito ay likas-yaman mula sa pusod ng mundo.
Dahil sa kanilang napakahalagang papel sa buhay, ekonomiya at daigdig, nagpa-patayan ang mga bansa.
Gayunpaman, oras-oras na umaasa ang bansa sa mga fossil fuel na ito.
Kung walang mina, walang computer dahil ang metal nito ay mula sa rare earth na tinatawag.
Wala rin tayong silyang uupuan, na ang mga binti ay yari sa bakal.
Kung walang mina, walang semento, salamin at, muli, bakal, mga pangunahing sangkap ng bahay, at ng magandang gusali ng Bandera sa kanto ng Mola at Pasong Tirad sa Makati.
Kung walang mina, walang mga tulay, flyover, overpass, skyway, walang mga tren ng PNR, MRT at LRT, at maging mga tren sa mga asyenda ng napakayayamang mga pamilya sa bansa.
Wala ring mga pampasaherong jeepney, bus, tricycle, kuligliglig, motorsiklo’t bisikleta, at maging mga pedicab.
Kung walang mina, magsasara ang mga ospital dahil walang x-ray at napakaraming makabagong mga instrumento’t gamit na nagpapadali para matuklasan ang tunay sa sakit, o napinsala, sa katawan ng pasyente.
Kung iisa-isahin natin ang mga gamit na ito at ipaliwag sa mga mahirap umunawa ay baka wala nang ibang lamang balita’t pitak ang Bandera.
Kung walang mina ay kakain tayong nakakamay dahil tiyak walang kubyertos (kutsara, tinidor at table knife).
Babalik ang lahat sa kalang banga o palayok na putik, walang mga pitsel at babalik ang kabahayan sa banga; walang drum o container at muling gagamit ang sibilisasyon ng tapayan, buho, malalaking bumbong ng kawayan (na iilan na lamang dahil sa kapabayaan ng gobyerno.
Tanging si Helena Benitez lamang noon ang may panukalang magpaparami’t magpapayabong sa kawayanan).
Kung walang mina ay walang microwave oven, toaster, gas stove, electric stove, atbp.
Kung walang mina ay walang refrigerators at air-con, mabubulok at di magtatagal ang mga pagkain at walang malamig na mga inumin; walang magpapalamig sa mga bahay, opisina at mga ospital; at higit sa lahat ay walang mananatili sa loob ng Malacañang, Senado’t Kamara.
Kung walang mina ay walang kuwintas na mga ginto at iba pang alahas at kakapitan ng iba pang likas na alahas; mamamatay ang mayamang industriya nito nang dahil sa gutom at magiging dinosaur ang mga manggagawa rito.
Kung walang mina at walang dadaluyan ang kuryente.
At higit lahat, walang baril na magagamit para mag-Noynoying.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.