DALAWA o tatlong taon pa ang natitira sa tangke ni Paul Asi Taulava, ang senior statesman ng Philippine Basketball Association.
At nais niya raw itong gamitin upang tulungan ang NLEX Warriors na maipakitang puwede rin nilang dominahin ang pro league tulad ng ginawa nila sa amateur ranks. Pangungunahan ni Taulava ang NLEX sa pagbubukas ng 40th PBA season sa Linggo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
“We’re not promising anything grand. In fact we welcome people looking down at us because that rids us of the pressure,” ani Taulava na nagbalik sa PBA noong isang taon matapos na maglaro sa San Miguel Beer sa ASEAN Basketball League.
At matindi ang pagbabalik na kanyang ginawa habang pinamumunuan ang Air21 dahil sa naparangalan siya bilang miyembro ng Mythical First Five sa katapusan ng season.
Ito’y matapos na muntik umabot sa semifinals ng Governors’ Cup ang Air21.
Pero hanggang doon na lang ang inabot ng Air21. Doon na nagtapos ang prangkisang ipinagbili sa NLEX.
Buhat sa Express ay naging expressway ang koponan ni Taulava.
At ngayon ay hangad ni Taulava na ihatid ang Warriors sa expressway ng tagumpay.
Kung sinasabi niya na nais niya maliitin ng iba ang kakayahan ng Warriors, hindi naman puwedeng mangyari ito. kasi, matindi ang basketball history ng NLEX. Bilang miyembrong PBA D-League ay narating nito ang finals ang pitong conference at nagkampeon ng anim na beses.
Kaya nga hindi na nag-atubili ang NLEX na umakyat sa PBA dahil sa wala na silang dapat na patunayan pa sa amateur ranks.
Kasama ni Taulava sa kampo ng NLEX sina Mark Cardona, Eliud Poligrates, Nino Canaleta, Jonas Villanueva, Eric James Camson, Enrico Villanueva, Mark Borboran, Aldrech Ramos, Jeckster Apinan, Wynne Arboleda at rookies John Byron Villarias, Harold Arboleda, Juneric Baloria at Raul Soyud.
Ang koponan ay gagabayan ni head coach: Teodorico Fernandez III na tutulungan ng mga assistants na sina Adonis Tierra, Jojo Lastimosa, Alex ‘Sandy’ Arespacochaga, Raymund Celis, Claiford Arao, Gino Manuel and Jay Serrano. Ang team manager ay si Ronald Dulatre.
Si Ramoncito Fernandez ang kinatawan sa PBA board of governors. Kasama niya bilang alternate governors sina Rodrigo Franco at Christopher Lizo.
Sa unang linggo pa lang ng labanan ay mapapasabak na kaagad ang Road Warriors kontra Globalport sa Martes, Oktubre 21, at Talk ‘N Text sa Biyernes, Oktubre 14.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.