Takot sa pulis | Bandera

Takot sa pulis

Arlyn Dela Cruz - September 30, 2014 - 01:44 PM

ISANG simpleng kuwento mula sa isang pangkaraniwang negosyante ang idinulog sa akin. Sumasalamin ito sa takot sa unipormadong pulis.

Ngunit hindi ito yung tipo ng takot na nauukol at karapat-dapat na ibigay o maramdaman sa otoridad. Hindi ito yung takot na may kaabat na paggalang. Ito yung tipo ng takot na baka may masamang mangyari sa kanila.

Ganito ang kwento: Isang delivery truck ang nasiraan sa bahagi ng Katipunan Avenue. madali naman silang sinaklolohan ng mga kasamahang pahinante sa maliit na kumpanya.

Kwento ng mga pahinante, tinulungan daw sila ng mga taga MMDA upang hindi makasagabal sa daloy ng trapiko.
Tumakbo ang nasiraang truck hila ng isa pang truck mula rin sa nasabing kumpanya.

Ngunit nang malapit na sila sa kanilang warehouse na nasa isang subdivision sa Gen. T. Luis, (electronics supply ang negosyo), may humarang na isang mobile ng Quezon City Police District. Sinita sila. Hindi raw otorisado ang ginamit na sasakyan sa pag-tow.

Kwento pa ng mga pahinante, hiningan daw sila P5,000 ng pulis. Yun daw ang halaga kung titikitan sila.  Kung ayaw daw na tikitan (ticket for violation), magbayad daw ng P5,000, para hindi na sila maabala pa.

Ang pera ng pahinante ay P200 lang. Kaya tumawag ito sa kanyang amo. Kinausap ng pulis ang amo ng pahinante sa telepono na pasigaw at sinabi umanong ayusin ang violation nila.

Natakot ang amo ng pahinante sa pulis. Pero sa kabila nito ay nagpasya ang amo na tikitan na lang ang kanyang mga pahinante.
Lalo raw nagalit ang pulis at saka si-nabing “sila na nga ang tinutulungan.”

Padabog na isinulat ng pulis sa tiket ang sinasabing violation at saka ibinigay sa pahinante. At nang iabot ay nagbitiw ng salita ang pulis na: “gusto pa ninyo nang naaabala!”

Ikinuwento ko ito hindi upang dagdagan pa ang inaaning batikos ng Pambansang Pulisya, at upang tuluyang mawala ang tiwala ng mamamayan sa mga pulis.

Kung wala ang pahiwatig ng “ayusan at lagay”, gumaganap sa trabaho ang pulis sa kuwentong ito.  ‘Yun nga lang, sa pagganap ng kanyang tungkulin, naroroon ang pagkakataon na pwedeng abusihin ang kanyang kapangyarihan lalo na sa harap ng mga taong madaling matakot o takutin.

Maliit man o malaki ang halagang pinag-uusapan, ang paggamit sa kapangyarihan upang manamantala o manggi-pit ay ganoon din ang katumbas na epekto sa tiwala ng publiko.

SPO1 ang ranggo ng pulis sa kuwento at ipi-nabot ko na kay QCPD Director Richard Albano ang pangalan ng pulis.

Tiyak kong hindi kinukunsinti ni General Albano ang anumang pang-aabuso, gaano man ito kaliit o kapayak sa paningin.
May tunay na problema sa tiwala ng publiko ngayon sa ating hanay ng pulis at matutugunan lamang ito sa kabuuan kung may malinaw at bukas na pagtanggap na umiiral nga ang naturang problema.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Totoong may mga pulis na abusado, ngunit totoo rin na mas mara-ming pulis ang tapat sa kanilang tungkulin.
Alang-alang sa mga nananatili pang tapat sa tungkulin, kailangang kumilos ang pamahalaan upang manumbalik ang takot na may paggalang at pagpapahalaga sa kapangyarihang kanilang kinakatawan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending