(Update) GMA nag-sorry sa misis ng Japanese actor
PORMAL nang humingi ng paumanhin ang pamunuan ng GMA 7 kay Goergette Anne Inaba, asawa ng Sentai actor na si Inaba Kazunori na napanood sa pelikulang “Maskman”. Ito ay may kaugnayan sa lumabas na artikulo sa BANDERA tungkol sa naging hinaing ni Mrs. Inaba laban sa isang staff ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho. Nakipag-ugnayan diumano ang nasabing GMA show sa kampo ni Mrs. Inaba para makapanayam ang kanyang mister kasama ang iba pang Sentai actors. In-arrange agad ni Mrs. Inaba ang nasabing interview ngunit hindi raw tinupad ng staff ng show ni Jessica Soho ang kanilang usapan. Dahil dito, naglabas ng sama ng loob sa kanyang Facebook account si Mrs. Inaba laban sa nasabing staff ng GMA, sinabi nito na nag-cancel pa ng kanilang trabaho ang mga Sentai actors para lang matuloy ang nasabing panayam, pero hindi man lang sila nasabihan na kinansel na pala ang interview. Narito ang official statement ng GMA Network sa nasabing kontrobersiya. “Nakarating sa aming programa ang hinaing ni Mrs. Georgette Anne Inaba, tungkol sa hindi pagkakatuloy ng dapat sana’y interview sa mga Sentai actor. “Nakipag-ugnayan kami kay Mrs. Inaba at humingi ng paumanhin sa pangyayaring ito. Alinsunod po sa aming internal rules, magsasagawa po kami ng imbestigasyon ukol dito. Salamat po.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.