One on One with Aljur Abrenica: Soul searching ni Aljur | Bandera

One on One with Aljur Abrenica: Soul searching ni Aljur

Ervin Santiago - August 31, 2014 - 03:46 PM


MATAGAL-TAGAL na rin nating hindi napapanood sa TV ang hunk actor na si Aljur Abrenica. Ito’y matapos nga ang pagsasampa niya ng kaso laban sa kanyang mother network, ang GMA 7.

Hangga’t hindi naaayos ang nasabing issue sa pagitan ng aktor at ng Kapuso station, malamang na hindi rin makagagawa ng kahit anong proyekto sa GMA ang aktor.

Bumisita si Aljur sa BANDERA kamakailan at dito namin uli siya nakumusta matapos ang kontrobersiya. Medyo pumayat si Aljur, pero nandu’n pa rin ang kanyang kakisigan.

Pero isa lang ang napansin namin, tumatawa man siya habang tumatakbo ang aming panayam, pero kitang-kita mo ang lungkot sa kanyang mga mata. Narito ang kabuuan ng aming one-on-one interview sa kanya.

BANDERA: Kumusta ka na matapos ang mga nangyari?
ALJUR ABRENICA: Thankful, and also grateful, kasi nagkaroon ako ng time to absorb kung ano yung nangyayari sa buhay natin. So, in short, nagkaroon ako ng time sa family ko, sa sarili ko, and realization din sa mga nagaganap.

Also, happy din ako dahil marami akong natutunan sa mga nangyari at sa mga nangyayari pa. Actually, natututunan ko ngayon kung paano humawak ng isang production, kung paano ma-involve sa paggawa ng isang pelikula at yung concentration sa singing career ko.

B: Nag-soul searching ka ba? Umalis ka ba ng bansa o dito ka lang naglagi sa Pilipinas matapos kang mag-file ng kaso laban sa GMA 7?
AA: Dito lang ako, in-spend ko lang yung time ko with my family, tsaka bumisita ako sa pinanggalingan natin, umuwi ako sa Pampanga, kung saan nagsimula lahat…kung saan ako nangarap, kung saan ako nagpursige. Binalikan ko ‘yun para…yun parang soul searching nga.

B: Anu-anong ginawa mo?
AA: Let’s just say na…hinanap ko uli yung sarili ko, binalikan ko lang. Yung mga small things na nangyari sa akin noon. Yung mga kaibigan natin.

Lumaki kasi ako sa environment ng mga Bisaya, yung kabataan ko sila yung binalikan ko, sila yung mga kalaro ko noon sa kalye. Basta yung mga bagay na importante sa buhay ko kung saan nagsimula lahat.

Pati yung mga puno na inaakyat namin at yung mga bakuran na pinapasok namin…na may mga nakatira na pala ngayon dahil bakante lang yun dati.

B: Anu-ano naman ang mga pinagkakaabalahan mo ngayon habang nasa korte pa ang kaso n’yo?
AA: Hands on ako sa isang production ngayon, meron kaming indie movie na gagawin, action ito na may social relevance. Concentrate rin ako ngayon sa singing career and inaasikaso ko rin yung bahay namin dito sa Quezon City.

Sa indie film, hindi lang ako aktor dito, part din ako ng production, marami akong natututunan dito, kung paano huwmawak at mag-budget ng pera. Pero hindi ako producer dito, pina-handle lang sa akin yung finances para kami yung magpatakbo. Ayun, sumasama rin ako sa paghahanap ng location. Ididirek ito ni Arturo San Agustin.

B: Tungkol sa album, iba pa ito doon sa gagawin mo sana para sa GMA Records na ang magiging titulo sana ay “NOTA”?
AA: Yung album naman, iba ito, malayung-malayo ito du’n sa ano…under MCA ito. Binusisi talaga namin. May composition din ako dito and proud ako sa nagawa ko.

May three songs pa akong ire-record, bale nine track-album siya. Gusto kasi naming maging sulit para sa mga bibili.

B: Sabi mo wala kang galit sa GMA at tumatanaw ka pa rin ng utang na loob sa Kapuso network, tingin mo maaayos pa rin ang kaso sa labas ng korte?
AA: Sa akin yun naman ang gusto ko, maayos lahat. Kasi totoo po yun, tumataw ako ng utang na loob sa GMA, kung wala po sila, ang Starstruck, wala ring Aljur.

Ang sa akin lang, may matagal na akong reklamo sa Artist Center, at gusto ko lang marinig nila yung mga hinaing ko. Kasi gusto ko talaga silang makausap, e, ilang taon na.

B: May effort na ba sila (GMA/Artist Center) na mag-reach out sa iyo, matapos mong dalhin sa korte ang mga reklamo mo?
AA: Wala pa po kaming nakukuhang response mula sa kanila, pero naghihintay pa rin kami. Kasi, last resort na yung pagsampa ng kaso kasi parang wala na talagang nangyayari.

Actually, after nu’ng filing, talagang gumawa pa rin ako ng paraan para makipag-usap sa kanila. But until now, wala pa rin.

B: Bakit hindi ka na lang dumiretso kay Atty. Felipe Gozon at sa kanya ka humingi ng tulong?
AA: Hindi ko pa po matiyempuhan, e. Alam n’yo po, unang-una bilang respeto po sa Talent Center bilang nagha-handle sa career ko, sa kanila talaga ako unang lumapit para hindi nila masabing pinangungunahan ko sila, pero this year, nitong taon lang, na-bypass ko na sila, dahil ipinarating ko na sa ibang boss po natin sa GMA.

Nag-try din ako na makaabot sa mismong may-ari ng network, pero naiintindihan ko na mas marami silang mas mahahalagang bagay na dapat unahin.

Nahihirapan na talaga ako sa sitwasyon na ‘yun, kaya umabot na ako sa puntong nag-e-mail ako sa may-ari ng GMA, pero ang reply nila, dapat ang Artist Center ang mag-ayos ng problema.

Sabi ko naman, mahirap na talaga yung ganu’n, na ibabalik din sa kanila ‘yung hinaing ko, kasi nu’ng nagsabi ako sa kanila, yun na ang reklamo ko. Iba kasi yung makita at makausap ko sila (mga may-ari) nang personal at ang nakikita kong paraan para mangyari yun, e ito ngang pagsasampa ng case sa korte.

Hindi ko talaga balak makipag-away, ang gusto ko magkaroon ng maayos na pag-uusap.

B: Ano ang masasabi mo sa mga bumabatikos sa iyo na kesyo wala kang utang na loob, na binibigyan ka naman ng projects ng GMA pero nagrereklamo ka pa?
AA: Kung ako ang nasa posisyon nila, magugulat din ako. Kasi hindi ko naman ipinaaalam kung ano ang nangyayari sa loob. Totoo pong binibigyan naman ako ng proyekto pero kasi, bilang isang aktor po, may mga values po tayo bilang isang tao at may kakayahan din tayo as an actor na gusto kong magamit, at maibigay sa tao.

Totoo pong hindi ako nawawalan ng trabaho, pero sa akin, hindi na ako masaya sa ginagawa ko. Tsaka kung titingnan po ibinigay ko ang buong tiwala ko sa Artist Center, kung ano pong ibigay nila sa akin, tinatanggap ko po yan, kahit nagdadalawang-isip ako, pero kapag in-explain naman nila sa akin, gagawin ko pa rin.

B: Sa pagkakaalam namin, sunud-sunod din ang projects niya sa GMA, ibig sabihin, sa kabila nito, hindi pa rin nila ibinigay kung ano ang gusto mo?
AA: Hindi ko naman sinabi na hindi nila naibibigay yung gusto ko, ang sa akin, respetuhin naman yung kakayahan ko (ng Artist Center). Kasi alam ko hindi naman talaga alam ng mga nakakataas yung lahat ng nangyayari.

May mga bagay sila na ipinagagawa sa akin na…matagal na kasi, 2009 pa lang may mga reklamo na po ako, na napupuno po ako pero tinatapon ko lang yung lalagyan na punumpuno na.

Pero this time, alam kong may dahilan kung bakit ko biglang na-realize yung mga nangyayari. Napuno na ako, pero binuhusan pa nila lalo. Ganu’n ang ginawa nila sa akin. Alam ko hindi naman ako nagkulang bilang artist.

Ang issue na kasi rito ay ako na, yung pagkatao ko na, hindi lang basta artista lang nila. Ang sa akin, hindi ko na talaga gustong tumuloy du’n sa ipinagagawa nila sa akin.

Yes, guaranteed po tayo, secured po tayo kahit walang trabaho, pero ako umabot na po sa punto na handa na akong mawala lahat ito, mawala lang ako sa Artist Center. Umabot na ako sa puntong ganu’n.

B: Kung magkakaroon man ng mediation, anu-ano ang magiging demands mo?
AA: Ako gusto ko lang, isa lang, alisin na po ako sa Artist Center. Gusto ko pa ring mag-stay siyempre sa GMA, pero i-release na po ako ng Artist Center.

B: May offer ka na ba sa ibang networks? Ikaw daw ang napipisil ng ABS-CBN na gumanap sa remake ng Captain Barbell?
AA: Sa totoo lang po, wala talaga. Siguro inisip lang ng ibang tao na ganu’n, pero wala po talaga. Nakakatanggap ako ng tawag for management, gusto nila akong ikontrata, may network, may mga movie offers, pero hindi ko pa sila hinaharap, hindi pa ako nagsasalita nang tapos sa kanila.

Kasi, siyempre, dapat matapos muna yung problema natin para maayos lahat ang usapan. Hindi ko naman sinasabi na wala akong pagkakamali, pero kami ng Artist Center alam namin kung ano ang totoo at alam namin kung sino talaga ang umintindi at kung hanggang saan umabot yung hangganan ng pag-intindi ko.

Pero sabi ko nga, umaasa ako na darating din yung panahon na maaayos lahat, dahil may puso naman sila at tao rin sila na tulad ko.

B: Maraming Kapuso stars na rumespeto sa desisyon mo, partikular na si Kylie Padilla na nag-wish pa ng goodluck sa kanya. Anong reaksyon mo?
AA: Oo nga, e, nabasa ako yun. Okay naman kami ni Kylie. Nag-usap na kami recently lang, nagkumustahan kami, and I’m happy na okay naman siya.

Napag-usapan nga namin yung nangyari, nagwo-worry siya sa kaso ko. Pero hindi ko naramdaman sa kanya yung takot, ang na-feel ko yung suporta at nagpapasalamat ako sa kanya. Friends naman kami.

B: Gusto mo bang magbago ang image mo? Yung mabura ang pagiging sexy star?
AA: Iba kasi yung gusto sa kaya mong ipakita. Ano ba ang kaya mong ibigay sa audience mo? Marami pa akong gustong ipakita sa kanila, hindi lang abs.

Marami pa akong talent na gustong i-share sa mga tao. Kaya gusto kong mabago yung imahe ko ngayon (sexy). Kasi, umabot na sa…pati mga lalaki, pinagtitripan yung hotdog (TV commercial) ko, sa social media.

One time nga, nu’ng mag-browse ako sa internet, ‘yun ang pinag-uusapan nila. Sabi ko nga, lalaki ba talaga ang mga to? Bakit hotdog ko na lang ang pinag-uusapan n’yo lagi.

B: Ano yung reaksiyon mo sa sinabi ni Robin na wala kang balls?
AA: Basta ako nirerespeto ko siya at naiintindihan ko siya bilang isang ama. Ako ano…ang hirap kasing magsalita, e. Basta natural lang sa isang tatay na maging ganu’n ang reaksiyon.

Pero hindi naman ako naapektuhan, kasi alam ko sa sarili ko na…hindi ako nagkulang sa kanya, e, saka sa tatay niya.

B: After Kambal Sirena, kumusta na kayo ni Louise?
AA: Okay naman kami. Hindi ko siya niligawan, naging magkaibigan kami, marami kaming naging impluwensiya sa bawat isa, malaking tulong sa amin yung friendship at ang tambalan namin.

Lalo na sa mga hilig namin. at ang pinaka-na-appreciate ko sa samahan namin, is yung pagpapahalaga sa pamilya. Medyo may similarities yung family namin.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

B: Hindi rin ikaw ang dahilan kung bakit naghiwalay sila ni Enzo?
AA: Alam ko, hindi ako. At issue na nila ‘yan, kung anuman yung nangyari sa kanila, sa kanila na lang ‘yun.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending